^

Punto Mo

Sagrado ang iyong boto

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SA Lunes, Mayo 9, gagampanan mo ang isa sa pinakamahalagang tungkulin ng isang mamamayan, ang pagboto. Nakasalalay sa iisa mong boto ang magiging kinabukasan ng ating bansa. Iisa lamang iyan, ngunit ang isang iyan ang maaaring magpanalo o magpatalo sa isang kandidato.

Marahil, sa mga sandaling ito’y buo na sa iyong isip ang mga kandidatong iboboto mo. Ang mga napili mo ba’y resulta nang malalim na pagsusuri at mataimtim na pananalangin? Sila ba’y kumakatawan sa pinakamabuting mga Pilipino at maaaring maging huwaran ng ating mga kabataan? Nasa kanya ba ang mga sumusunod na katangian?

Una, may marubdob na pagmamahal sa bansa. Isang Koreano ang nagsabi sa akin na ang pangunahing dahilan kung bakit tayo’y napag-iwanan na ng mga kapitbahay natin sa Asya ay sapagkat kulang tayo sa pagmamahal sa ating bansa. Ang iboboto mo’y dapat maging huwaran sa pagkamamamayan na ipinakikita sa pamamagitan ng pagsunod sa batas, pagbabayad ng buwis, at pagtatanggol sa ating sobereniya bilang isang bansang malaya. Hindi siya papayag na may mawala isa mang dangkal sa ating teritoryo. Hindi siya pagigimbal sa mga makapangyarihang bansa na tulad ng China, US at Russia. Handa siyang magbuwis ng buhay alang-alang sa ating kalayaan at kasarinlan.

Ikalawa, may mabuting pagkatao. Hindi siya nasangkot sa anumang uri ng katiwalian o anumang krimen na lumalabag sa hustisya, katapatan, at moralidad na tulad ng panunuhol, pamemeke ng mga dokumento, pangangalunya, pagnanakaw, at iba pa. Isa sa ginagamit nating salita sa mabuting pagkatao ay ang pagkakaroon ng integridad. Ang taong may integridad ay laging nagsasabi ng totoo, ginagawa ang mabuti may nakakakita man o wala. Ginagawa kung ano ang sinasabi. Nagbibitiw at tumutupad ng makabuluhang mga pangako.

Ikatlo, may magandang track record bilang lingkod-bayan. Kung siya’y dating mambabatas, marami siyang ipinanukala at naipasang makabuluhang mga batas. Hindi siya nasangkot sa anumang maanumalyang transaksyon na tulad ng pork barrel. Kung siya’y local executive, naiangat niya ang ekonomiya, katahimikan, at kaayusan ng kanyang nasasakupan. 

Ikaapat, may malinaw na plano at pangitain para sa Pilipinas. Dadalhin niya ang Pilipinas sa isang kalagayan na bawat Pilipino’y magkakaroon ng pantay na pagkakataon sa edukasyon at trabaho, na dito mismo sa Pilipinas matatagpuan ng mga Pilipino ang katuparan ng kanilang mga pangarap.

Ikalima, may malawak na karanasan tungkol sa ekonomiya at batas. Dahil sa sali-salimuot nating problema, kailangan natin ang isang lider na malawak ang kaalaman at karanasan tungkol sa ekonomiya at batas. Bagamat wala siyang monopolyo sa kaalaman, magaling siya sa pagpili ng mga taong makakatulong niya sa pamamahala.

Ikaanim, iginagalang ng matataas na lider ng ibang bansa. Wala siyang anumang atraso sa alinmang bansa. Mayroon siyang mabuting reputasyon, kung kaya’t madali niyang makukuha ang suporta ng ibang bansa para sa mga ipinaglalaban ng Pilipinas, tulad ng usapin ng teritoryo sa West Philippine Sea.

Ikapito, nagmamahal sa Diyos at kapwa, lalo na sa mahihirap. Ang pagmamahal na ito’y hindi lamang campaign slogan. Ipinakikita niya ito hindi lamang sa panahon ng eleksyon, kundi higit sa lahat, sa panahon ng kagipitan kung saan nandoon lagi ang Kanyang presensiya. 

Tandaan, sagrado ang boto mo. Sa sagradong boto, ikaw ang tunay na panalo!

2022 ELECTION

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with