^

Punto Mo

Tama ba ang iyong pinili?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SA Bibliya, si Haring Solomon ang itinuturing na pinakamatalinong taong nabuhay sa daigdig.  Isang halimbawa: may dalawang inang halos sabay na nanganak. Isa sa mga bata ay namatay. Bawat isa’y inaangkin ang batang buhay. Sa paglilitis ni Solomon, iniutos niya ang ganito, “Hatiin ang batang buhay at ibigay ang kalahati sa bawat isa.” Tumutol ‘yong una, “Huwag po, ibigay na po ninyo sa kanya ang bata, huwag lamang ninyong patayin.” Pumayag naman Ang ikalawa, “Sige, hatiin ninyo ang bata upang walang makinabang kahit sino sa amin.”

Ibinigay ni Solomon ang bata doon sa babaing hindi pumayag na ito’y patayin, sapagkat siya ang tunay na ina. Tinatawag itong “Solomonic Wisdom,” isang matalinong pagpapasya na nakasalig  sa katotohanan at katarungan. Bawat mahusay na lider ay nagtataglay ng ganitong uri ng karunungan. Ang malungkot, marami tayong lider na marunong nga, pero marunong sa paggawa ng kasinungalingan at pagnanakaw.

Bakit naging ganito karunong si Solomon? Sapagkat bilang lider ay ito ang hiningi niya sa Diyos? Ganito ang tala tungkol dito sa 1 Hari 3:9, “Bigyan po ninyo ako ng karunungang kailangan ko sa pamamahala at kakayahang kumilala ng mabuti sa masama.” Dahil ang hiniling ni Solomon ay hindi para sa kanyang sarili, pinagkalooban din siya ng Diyos ng kayamanan at karangalan. Dahil dito, nakaranas ang Israel ng totoong “Golden Years” sa panahon ng kanyang pamamahala.

Ito rin ang pangunahing katangian na dapat taglayin ng nagnanais maging presidente ng Pilipinas: ang kahusayan sa pamamahala o governance at ang kakayahang kumilala ng mabuti sa masama. Ang may ganitong katangian ay makapamimili ng mahuhusay na bubuo ng kanyang gabinete at itatalagang mga hepe sa mga opisina ng gobyerno.

Ang buhay natin ay resulta ng mga ginawa nating pamimili at desisyon.  Mahalagang alamin natin  ang mga nakaraang pamimili at desisyon ng mga kandidato sa mahahalagang isyu ng ating panahon. Maging ang pinipili nilang mga kaibigan ay mahalaga. Ayon sa isang ­matandang kasabihan, “Iuro mo sa akin ang iyong mga kaibigan, at sasabihin ko kung sino ka.” Ang mga taong sinasamahan natin ay nakakaimpluwensya sa mga bagay na ating pinahahalagahan.  Kung ang kasa-kasama natin ay mga sinungaling at magnanakaw, sa malao’t madali’y magiging sinungling na rin tayo’t magnanakaw.

Nagsisimula ang karunungan sa pagsunod sa Kautusan ng Diyos at paggalang sa Kanya.  Ganito ang sabi sa Mga Awit 111:10, “Ang pagsunod at paggalang kay Yahweh’y simula ng karunungan.”

D’yan magsisimula ang pagkakaroon ng karunungang katulad ng kay Solomon. Sinusunod niya ang Sampung Utos na batas ng moralidad. Narito ang mahahalagang tanong: Hindi ba niya nilalabag ang ikalimang utos, huwag kang papatay; ang ika-anim na utos, huwag kang mangangalunya; at ang ikapitong utos, huwag kang magnanakaw?

Iginagalang ba niya ang Diyos? Pinahahalagahan ba niya ang mga bagay na espiritwal na katulad ng pagpapahalaga niya sa mga bagay na pisikal? Mas pinahahalagahan ba niya ang integridad kaysa kayamanan, ang tao kaysa sistema, ang proseso sa halip na ang resulta lamang?

Kung “oo” ang sagot mo sa mga tanong na ‘yan, tama ang iyong pinili. Pero kung “hindi” at iboboto mo pa rin ang iyong pinili, may tama ka!

BIBLE

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with