^

Punto Mo

Pinakadelikadong eleksiyon

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NANG bago pa lang ang Facebook (FB), na naimbento noong 2004 ni Mark Zuckerberg, isa sa pinakamayamang tao sa buong mundo, tuwang-tuwa ako dahil nagkaroon tayo ng libreng “diyaryo” para malathala ang ating mga litrato na tulad ng ating pag-aalmusal, pamamasyal, pagdiriwang ng birthday at anibersaryo ng kasal, at pagluluksa. Naging konektado tayo sa isa’t isa kahit gaano kalayo basta’t may internet connectivity. Klik na klik sa ating mga Pilipino ang FB, kaya nga’t tayo ang tinaguriang “Social Media Capital of the World.”

Pero pagkatapos ng 18 taon, mayroon na ngayong tinatawag na “internet addiction” at may grupong naglunsad ng tinatawag na “Deletefacebook Movement.” Dapat na ba tayong sumanib sa kilusang ito?

Ayon sa prestihiyosong Wall Street Journal, isang malawakang survey ang ginawa ng mga researcher at natuklasan nila na 360 milyon mula sa dalawang bilyong taong gumagamit ng FB sa buong mundo ang apektado ng tinatawag na “FB toxicity.” Kabilang sa apektado ang 90 milyong Pilipino na gumagamit ng FB.

Ang mahigit sa tatlong oras na pagbababad sa FB ay napatunayang nakakaapekto sa tulog, sa trabaho at maging sa kaugnayan sa isa’t isa sa loob ng pamilya. Sa halip na magkuwentuhan, ang mga miyembro ng pamilya ay nakatutok sa FB. 

Higit sa lahat, ang “FB toxicity” ay lumilikha nang mapangwasak na depression. Ang nangyayari kasi, kapag nakita sa FB na ang dating kaklase ay mas maganda ang buhay kaysa kanya, nalulungkot, naiinggit, hanggang maging depressed. Ang depression ay humahantong sa pag-iisip na mag-suicide.

May nakikita akong isa pang malalang epekto ng FB at iba pang social media platforms na maglalagay sa panganib sa ating bansa. Ito ang paglaganap ng fake news — mga inimbentong balita na hindi totoo, mga kuwentong bumabago sa tunay na mga pangyayari. Ang mga fake news na ito’y napagmumukhang totoo ng mga bayarang trolls, vloggers at tiktokers na habang tumatagal ay nagiging mga eksperto sa pagsisinungaling. Mahigit kalahati ng mga Pilipinong gumagamit ng FB ay hindi alam kung alin ang totoo at peke. ‘Yan ang talagang nakababahala.

Dahil sa FB toxicity, nalalason ang ating integridad bilang isang bansa, nababalewala ang mga bagay na ating pinahahalagahan na katulad ng katotohanan, katwiran, delicadeza, amor propio, at palabra de honor.

Nakatatakot isipin na maaari tayong makapaghalal ng presidente, bise presidente at mga senador base sa kasinungalingan na pinaniwalaan nating totoo. Ang kasinungalingan ay nang-aalipin, samantalang ang katotohanan ay nagpapalaya.

Ito ang dahilan kung bakit ang darating na eleksiyon ang pinakadelikadong eleksiyon na haharapin natin bilang isang bansa, sapagkat maaari tayong makapaghalal ng mga pekeng lider na magdadala sa ating lahat sa kapahamakan.

Bawat Pilipinong nagmamahal sa bansa ay may katungkulang alamin ang katotohanan at ibahagi sa iba ang natuklasan niyang katotohanan. Kapag hindi natin ito ginawa, ang barkong Pilipinas na sinasakyan nating lahat bilang mga Pilipino ay lulubog sa dagat ng kasinungalingan, pagbabalatkayo, at panlilinlang.

Ngayon ang panahon na hindi tayo puwedeng manahimik, hindi puwedeng wala tayong gawin at hayaan na lamang natin na tayo’y lamunin ng kasinungalingan at panlilinlang. Hindi puwedeng mananatili tayong nakaupo. Kailangang tumayo at manindigan para sa katotohanan.

 

2022 ELECTION

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with