^

Punto Mo

Sino ang may ­pinakamataas na integridad?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

INTEGRIDAD — ito ang isa sa mga katangiang hinahanap natin sa isang kandidato, lalo na sa pagka-presidente. Sino sa mga kandidato ang may pinakamataas na integridad? Pero pangalawang tanong na ‘yan.  Ang unang tanong ay ito, ano ang ibig sabihin ng integridad?

Magkabaliktad ang mga katangian ng isang taong may inte­gridad at tradisyunal na pulitiko. Ang isang taong may integridad ay buo at kumpleto, hindi hati ang pagkatao. Ibig sabihin, kung ano ang sinasabi ‘yon ang ginagawa, at kung ano ang ginagawa ‘yon ang sinasabi. Ang isang tradisyunal na pulitiko ay eksperto sa pagsisinungaling at pagkukunwari. Eksperto siya sa pag-imbento ng mga peke: pekeng pinag-aralan, pekeng kasaysayan, pekeng mga naisakatuparan. Napakahusay niya rito kung kaya’t napapaniwala niya ang mga tao na ang peke ang siyang totoo. 

Ang isang taong may integridad ay ginagawa ang tama, may nakakakita man o wala. Ang isang tradisyunal na pulitiko ay gumagawa ng tama para lang ipakita sa tao. Kung magdo-donate, kailangang may media. Kung may ginawang proyekto, ipapaskil ang pangalan na para bang sa sarili niya bulsa nanggaling ang pondo. Ang tawag dito’y maepal, galing sa salitang mapapel. Kaya tuloy dito sa atin ay nagtakda ng mga anti-epal provisions sa mga pagawaing-bayan.

Ang isang taong may integridad ay gumagawa at tumutupad ng mga makabuluhang pangako. Para sa kanya, ang pangako ay ginagawa para tuparain, kung kaya’t hindi siya nangangako ng mga bagay na hindi niya kayang isakatuparan. Ang isang tradisyunal na pulitiko ay nangangako para lamang makakuha ng boto. Para sa kanya, ang pangako ay ginagawa para sirain. Wika ni Nikita Khrushchev, “Pare-pareho lang ang mga pulitiko, nangangako silang magtatayo ng mga tulay kahit wala namang mga ilog.”

Ang isang taong may integridad ay hayag o transparent. Wala siyang itinatago o inililihim. Hindi siya natatakot makipagtalakayan kaninuman o saanman, sapagkat alam niyang ang katotohanan, pagbali-baliktarin mo man ay katotohanan. Ang isang tradisyunal na pulitiko ay umiiwas sa mga hayagang pag-uusap, sapagkat siya’y naniniwala sa kasabihang, “less talk, less mistakes.” Higit sa lahat, alam niyang mahirap ipagtanggol ang mga bagay na hindi totoo at gawa-gawa lamang.

Ang isang taong may integridad ay nirerespeto ang kasaysayan, sapagkat ito ang nagtuturo sa kanya upang matuto at makaiwas sa mga pagkakamali ng nakaraan at marating ang isang mas magandang bukas kaysa sa kasalukuyan. Ang isang tradisyunal na pulitiko ay binabago ang kasaysayan para umakma sa kanyang mga sariling balakin.

Ang isang taong may integridad ay marunong umamin sa mga pagkakamali ng kahapon. Mula sa pag-amin ay ang paghingi ng tawad, at mula sa paghingi ng tawad ay ang paghakbang tungo sa pagbabago.  Ang isang tradisyunal na pulitiko ay walang anumang aamining masama, sa halip, bibigyan niya ng bagong mukha ang masama upang magmukhang mabuti.

Batay sa kahulugang ito ng integridad na ating pinag-usapan, sino sa mga kandidato ngayon, lalo na sa pagka-presidente, ang may pinakamataas na integridad? Ikaw na ang humusga. Pero bago ka humusga, magsaliksik ka munang mabuti, magtanong sa mga walang kinikilingang eksperto upang matuklasan mo kung ano ang katotohanan. Alalahanin mo ang sinabi ni Hesus, “Malalaman mo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa iyo.”

 

2022 ELECTION

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with