^

Punto Mo

Idealismo ng kabataan ang ating pag-asa

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

ANG kabataan ang pag-asa ng ating bayan, wika ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal na binaril ng mga sundalong Kastila sa edad na 35. Napatay ang kanyang katawan, ngunit hindi ang kanyang idealismo na lumaganap at naging mitsa ng paghihimagsik ng mga Pilipino laban sa mga manlulupig na Kastila.

Idealismo, iyan ang taglay na katangian ng kabataan kung bakit siya ang pinanggagalingan ng pag-asa. Dahil sa idealismo, ang kabataan ay hindi basta-basta sumusuko sa mga hamon ng buhay, sumusubok ng mga bagong bagay na humahamon sa mga lumang tradisyon, nag-aangat sa mga limitasyon na itinakda ng mga nakaugalian, at laging pinangingibabawan ng positibong pananaw sa buhay sa harap man ng matinding krisis.

Sa tuwing may eleksiyon, katakut-takot ang isinasagawang pagtuturo ng gobyerno at pribadong sektor sa mga botante upang bumoto nang tama. Pero sa tuwing matatapos ang eleksiyon, marami pa ring tiwali at walang alam na kandidato ang nahahalal, laganap pa rin ang bilihan ng boto, nailuluklok pa rin sa kapangyarihan ang isang buong pamilya. Sa pagdaan ng mga panahon, lalo pang lumakas ang political dynasty at political patronage. 

May pag-asa pa ba tayo? Mayroon! Dumating na sa ating kasaysayan ang pagkakataon na ang ating mga kabataan ang magiging pangunahing pwersa na maghahango sa atin sa pang-aalipin ng mga tiwali at masamang pulitiko. Noong panahon ng Kastila, ang mga kabataang Pilipino ang nagbuwis ng buhay para sa ating kalayaan at kasarinlan. Si Apolinario Mabini ay namatay sa edad na 38; Macario Sacay, 37; Dr. Jose Rizal, 35; Andres Bonifacio, 33; General Antonio Luna, 32; General Gregorio Del Pilar, 24; at Emilio Jacinto, 23.

Sa kauna-unahang pagkakataon, 56 porsiyento ng 65.7 milyong rehistradong botante ay mga kabataan na may edad 18 hanggang 41, ang age bracket na kinabibilangan ng ating mga pambansang bayani. Ibig sabihin, 37 milyong kabataan ang boboto sa darating na eleksiyon sa Mayo. Nakasalalay sa kanilang mga kamay ang panalo ng sinumang kandidado. Sabi ng Comelec, ang mga kabataang ito ang magiging “prime movers” ng ating bansa, ang magdadala sa atin sa dapat nating kalagyan bilang isang bansang karapat-dapat sa paggalang ng buong mundo.

Matindi ang idealismo sa edad na 18 hanggang 41. Hindi sila mabibili, hindi sila matatakot, hindi sila basta-basta maloloko, sapagkat malalim sila kung mag-isip. Higit nilang pinahahalagahan ang dangal kaysa pera, ang kalayaan kaysa pabor. Kaya ngayon, higit kailan pa man, may malaking pag-asa na mananalo ang mga kuwalipikadong kandidato at mabubuwag ang political dynasties.

Ang mga kabataan ang ating pag-asa dahil sa kanilang idealismo. Mataas ang aking pag-asa na sa darating na eleksyon, magtutungo sa mga presintong panghalalan ang ating mga kabataan bilang makabagong Rizal, Mabini, Sacay, Bonifacio, Luna, Del Pilar at Jacinto. Mas marami sila kaysa botanteng nabibili at naloloko.

Aangkinin ko para sa ating mga kabataang botante ang sinabi ni Pablo sa kabataang si Timoteo, ayon sa 1 Timoteo 4:12, “Huwag mong hayaang hamakin ka ng sinuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka ng lahat ng mga mananampalataya sa iyong salita, ugali, pag-ibig, pananampalataya at dalisay na pamumuhay.”

JOSE RIZAL

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with