^

Punto Mo

Maging matalino sa pagpili

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MAGING mapanuri sa mga surveys, ito ang ipinaalala sa publiko ng UP School of Statistics sa Diliman. Dahil sa nalalapit na eleksyon, kabi-kabila ang mga surveys na tulad ng ginagawa ng mga vloggers, PR companies, media organizations, at mga pribadong indibidwal sa Facebook, Twitter at iba pang social media platforms.

Mapananaligan ang mga surveys kung siyentipiko ang metodolohiya at sumusunod sa mga prinsipyo ng pangangalap ng mga data. Iyan ang problema, karamihan sa mga naglipanang surveys ay kahina-hinala ang metodolohiya at pamamaraan ng pangangalap ng mga data. Kapag biased o may kinikilingan ang metodolohiya, tiyak na biased din ang resulta. Ang survey ay itinuturing na biased kapag ang mga sumagot sa survey ay nagmula sa isang piniling segment ng populasyon. Halimbawa, ang layunin ng survey ay para malaman kung gaano kapopular si Sara sa Mindanao, tapos ang survey ay ginawa sa Davao City.

Ayon sa UP School of Statistics, bago paniwalaan ang resulta ng isang survey, kailangang malaman ang sagot sa mga sumusunod na tanong: paano pinili ang mga sumagot o respondents,  anong sektor ng populasyon ang kinakatawan, ang bilang ba ng respondents ay sapat para katawanin ang target population, sapat ba ang bilang ng respondents para  sa margin of error at  level of confidence, kailan ginawa ang survey, at sino ang nagpagawa ng survey? Kung hindi mo alam ang sagot sa mga tanong na ito, magduda ka na. Ang mga surveys ay lumilikha ng band wagon effect.  Ibig sabihin, ang nangunguna sa mga surveys, ‘yon na ang pinipili ng karamihan dahil ang gusto nila’y bumoto doon sa mananalo. Biruin mo, maaaring magpanalo ng mga kandidato ang mga surveys na minanipula!

Ibig lamang sabihin nito, kapag may eleksyon, kailangang maging matalinong botante. Huwag basta-basta maniwala. Sabi sa Kawikaan 4:6, “Huwag mo itong (pang-unawa at karunungan) pabayaan at ika’y kanyang iingatan, huwag mo siyang iwanan at ika’y kanyang babantayan.”

Wika ng French philosopher na si Joseph Marie de Maistre, “Bawat bansa ay karapat-dapat sa gobyernong kanyang pinili.” Ang Pilipinas ang itinuturing na “Ang Taong Maysakit sa Asya.” Ang dahilan, sapagkat ibinoboto natin ang mga lider na maysakit ang pagkatao.  Ang Pilipinas ang isa sa pinakatiwaling bansa sa buong mundo.  Ang dahilan, sapagkat ibinoboto natin ang mga lider na tiwali. Sa Pilipinas lamang nangyayari na ang mga lider na napatalsik na’y nakababalik pang muli sa kapangyarihan kung kaya’t sa halip na sumulong, tayo’y umuurong. Ang dahilan, sapagkat muli nating ibinoboto ang mga lider na may masamang rekord.

Maraming nagsasabi na napakadelikado ng eleksyon sa Mayo, sapagkat ito ang magdedetermina kung tayo’y mananatiling bansang maysakit, tiwali at paurong.  Ito ang magsasabi kung mananatili tayong isang bansang demokrasya na nagpapahalaga sa kalayaan, katotohanan, at katwiran. 

Bilang botante, nakasalalay sa iyo ang pagpili. Magiging matalino ka ba o sunud-sunuran sa dikta ng iba? Magiging matalino ka ba o paniniwalaan ang mga surveys? Magiging matalino ka ba o yayakapin ang mga alamat at binagong kasaysayan? Magiging matalino ka ba o iboboto mo ang kandidato sapagkat kababayan mo o may naiabot sa iyo? Boboto ka ba para sa iyong sarili o para sa iyong mga anak at magiging anak ng iyong mga anak?

2022 ELECTION

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with