^

Punto Mo

Huwag paloloko sa fake news

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MAY tula si Balagtas na “ang maniwala sa sabi-sabi ay walang bait sa sarili.” Sa panahon natin ngayon, ganito ito maaaring isalin, “ang maniwala sa fake news ay sira ang ulo.” Sino ba naman ang nasa matinong pag-iisip na paniniwalaan ang isang balita na alam niya na peke? Pero posible rin na kaya niya pinaniwalaan ang isang fake news ay dahil inakala niya na ito’y totoo.

Ito talaga ang malaking problema, ang pag-alam kung ang balita ay fake o genuine; kung ang balita’y totoong nangyari o sabi-sabi lang. Ayon sa survey na ginawa kamakailan ng Pulse Asia, 48 porsyento ng mga Pilipino ay kumukuha ng balita sa internet. Sa hiwalay na survey na ginawa naman ng Social Weather Stations, lumabas na 67 porsyento ng mga gumagamit ng internet ay naniniwala na laganap talaga ang fake news sa mga social media platforms na tulad ng FB at YouTube.

Narito ang mabigat na problema, isa sa bawat dalawang Pilipino ay nahihirapang alamin kung ano ang totoo sa hindi. Ibig sabihin, kalahati sa ating mga Pilipino ay naloloko ng mga fake news.  Kung paniniwalaan natin si Balagtas, hindi natin nalalaman, kalahati pala sa atin ay walang bait sa sarili.

Klik na klik sa ating mga Pilipino ang social media kung kaya ang Pilipinas ang kinikilalang “social media capital of the world,” kung saan umaabot sa 89 milyon ang aktibong gumagamit ng social media platforms. Karaniwan, nagbababad ang mga Pilipino nang hanggang apat na oras at 15 minuto araw-araw sa mga social media platforms.

Biruin mo, isa sa bawat dalawang Pilipino ay maaaring naloloko ng mga fake news. Napakaseryosong problema nito, lalo na sa panahon ng eleksyon na tulad ngayon. Posibleng manalo ang mga di-karapat-dapat at matalo ang mga karapat-dapat dahil sa fake news. Meron pa bang hihigit na trahedya kaysa dyan? Mas malala pa ‘yan kaysa COVID-19 pandemic.

Malaki ang naidulot na buti sa atin ng social media. Nagkaroon tayo ng mabilis at murang komunikasyon. Ang mga magkakamag-anak at magkakaibigan ay nagkakaugnayan sa loob at labas man ng Pilipinas nang hindi kailangang gumastos nang malaki. Nagkaroon tayo ng venue na ibalita sa iba maging ang mga personal na bagay na tulad ng kung ano ang ating inaalmusal. Karaniwan nga ngayon, bago kumain, sa halip na magdasal, ang ritwal ay ang paglilitrato sa mga kakainin.

Gayunman, ang malaking biktima ng social media ay ang katotohanan. Napakadaling magpakalat ngayon ng kasinungalingan na pinagmumukhang katotohanan kung kaya’t marami ang naloloko. Mabilis na winawasak ng social media ang mga bagay na ating pinahahalagahan na tulad ng katapatan at integridad.

Responsibilidad mo na maging mapanuri sa anumang natutunghayan sa social media. Huwag basta-basta maniwala, lalo na kung ito’y paninira sa iba. Magsaliksk muna. Alalahanin ang nagdaang kasaysayan. Magtanong sa mga taong hindi mapapasubalian ang integridad. Kunsultahin ang iyong sariling konsensya. Huwag paloloko. Malaki ang magagawa mo para hindi tayo tawaging Republika ng mga Luku-luko!

Maganda ang tagubilin sa Efeso 6:14, “Kaya’t manindigan kayo; gawin ninyong sinturon sa inyong mga baywang ang katotohanan, habang suot sa dibdib bilang pananggalang ang katwiran.”

 

FAKE NEWS

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with