^

Punto Mo

Pamamayagpag ng kasinungalingan

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

DAHIL sa social media, naging mabilis at malawak ang pagkalat ng kasinungalingan at paninirang-puri sa pamamagitan ng mga bayarang trolls at vloggers na malayang nakagagawa ng kasamaan dahil hindi naman sila nahuhuli. Ito’y ehemplo ng karapatang walang pananagutan. Napapanahon talaga na magkaroon ng batas na sasaklaw sa responsableng paggamit ng social media.

Nagtatali pa lang ng sapatos ang katotohanan ay nakaarangkada na ang kasinungalingan. Wika ni Irish satirist Jonathan Swift, lumilipad ang kasinungalingan, habang iika-ikang sumusunod ang katotohanan.

Sa FB, halimbawa, bago pa maialis ang mga accounts na ginagamit sa paninira at pagkakalat ng fake news, marami nang nagawang pinsala ang mga ito. Naloko na ang maraming tao. Nawasak na ang reputasyon ng mga taong pinuntirya. Ayon kay Danish theologian Soren Kierkegaard, may dalawang paraan para tayo maloko: ang una’y paniwalaan kung ano ang hindi totoo; at ang ikalawa’y tanggihang paniwalaan kung ano ang totoo.

Mas matinding virus ang kasinungalingan kaysa Omicron. Winawasak ng Omicron ang ating katawan, samantalang winawasak ng kasinungalingan ang ating kaluluwa at konsensya bilang indibidwal at bilang isang bansa. Dahil sa pamamayagpag ng kasinungalingan at panlilinlang, patuloy na nasisira ang tinatawag na “moral fabric” ng ating lipunan. Para na itong manipis na tela na malapit nang mapunit.

Kaalyado ni Satanas — ‘yan ang puwede nating itawag sa mga sinungaling, mapanlinlang at mapanira ng kapwa. Masakit sa taynga, pero ‘yan ang akmang-akma. Si Satanas ang pinakamalaking kaaway ng Diyos at ng tao.  Siya ang ama ng kasinungalingan. Kung sa Diyos ay walang anumang kasinungalingan, kay Satanas ay walang anumang katotohanan.

Lubhang mapanganib si Satanas at ang kanyang mga kaalyado, sapagkat maaari silang mag-anyong mabuti. Ganito ang sabi sa 2 Corinto 11:14-15, “At hindi kataka-taka! Sapagkat si Satanas man ay nagpapanggap na isang anghel ng liwanag. Kaya’t hindi malayong mangyari na ang kanyang mga lingkod ay magpanggap na mga lingkod ng katwiran.  Ang kanilang wakas ay magiging ayon sa kanilang mga gawa.”

Sinabi ni Hesus sa Juan 8:32, “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Huwag basta paniniwalaan ang mga nababasa sa social media.  Maging mapanuri at mapanaliksik. Ito lamang ang paraan upang makalaya sa pang-aalipin ng kasinungalingan na magdadala sa tao sa kapahamakan. 

Kung alam mo ng kasinungalingan, pero pinaniwalaan mo pa rin, ni-like mo pa rin at shinare mo pa rin sa iba, hindi lang sariling bait ang nawawala sa iyo, nawawala ka na sa iyong sarili. Hindi kataka-taka kung bakit nagtetrending sa social media ang mga kasinungalingan, sapagkat maraming tao ang nawawala sa kanilang sarili.

Katotohanan lamang ang maaaring tumalo sa kasinungalingan.  Maaaring tila nahuhuli ang katotohanan sa kasinungalingan, ngunit siguradong sa bandang huli’y ang katotohanan ang mananaig. Hindi maaaring ilihim ang kasinungalingan habang panahon; darating ang oras na ito’y mabubulgar. Hindi maaaring supilin ang katotohanan habang panahon; darating ang oras na ito’y mahahayag.

Ang nalalapit na halalan sa Mayo ay hindi lamang labanan ng mga pulitiko at partido.  Higit sa lahat, ito’y labanan ng katotohanan at kasinungalingan. Piliin mo ang totoo upang maging kaalyado ka ng Diyos. Tuldukan mo ang kasinungalingan upang maghari ang katotohanan para sa iyo at sa susunod na henerasyon.  

 

2022 ELECTION

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with