^

Punto Mo

EDITORYAL - Daming asukal bakit aangkat?

Pang-masa
EDITORYAL - Daming asukal bakit aangkat?

ASUKAL naman ang sunod na iimportahin ng Pilipinas. Pagkatapos ng bigas, gulay, prutas at isda, asukal naman ang aangkatin. Ano pa ang susunod na aangkatin ng Pilipinas na naturingang agricultural na bansa?

Malawak ang taniman sa Pilipinas pero lagi na lamang umaangkat. Lagi na lamang nakadepende sa imported na bigas, isda, prutas, gulay at ngayon nga ay asukal. Anong nangyayari sa bansa na ang inihahain sa hapag ay mga pagkaing inani sa ibang bansa? Napakayaman ng lupa sa bansa na lahat ay maaaring itanim. Pero bakit nangyayari ito na lagi na lamang nakadepende sa pag-i-import ng pagkain particular ang bigas na galing  China, Vietnam at Thailand. Ang kinakain ng mga Pinoy sa kanilang hapag kainan ay bigas na ani sa ibang bansa. Malawak ang palayan sa bansa pero umaangkat ng bigas para matustusan ang pangangailangan. Nakakahiya! Pinapatay ang mga local na magsasaka.

Malawak ang karagatan at sagana sa iba’t ibang uri ng isda pero aangkat ng galunggong sa mga katabing bansa. Ayon sa Department of Agriculture, aangkat ng 60,000 metriko tonelada ng galunggong ang Pilipinas sapagkat hindi pa raw nagno-normalize ang local supply dahil sa pananalanta ng bagyong Odette. Kukulangin daw ang supply ng galunggong sa first quarter ng 2022 at kailangang mapunan ang 119,000 metriko toneladang kakulangan. Ang kawawa ay mga local na mangingisda na inagawan ng kabuhayan.

At ngayon, asukal naman ang aangkatin. Ayon sa Sugar Regulatory Administration (SRA), 200,000 metrikong tonelada ng asukal ang aangkatin ngayong taon na ito para ma-stabilize ang presyo. Ayon sa SRA, nagkaroon ng kakulangan sa suplay ng asukal dahil sa epekto sa Bagyong Odette. Grabeng pagkalugi umano ang dinanas ng sugarcane sector na umabot sa P1.15 bilyon.

Pero sabi ng local sugar millers, maraming asukal at hindi dapat umangkat ang Pilipinas. Maliit na bahagi lamang umano ng mga tubuhan ang napinsala ng ­bagyong Odette kaya hindi apektado ang produkto. Isa pa, milling season ngayon kaya hindi dapat umangkat ng asukal. Sapat-sapat ang suplay. Mayroon umanong nagmamanipula sa asukal kaya gustong umangkat. Hindi dapat mangyari ito sapagkat maaapektuhan ang mga local sugar millers.

Lagi na lang bang nakadepende ang bansa sa imported na pagkain? Hindi dapat lalo’t mayaman sa tanimang lupa ang Pilipinas. Ang ginagawang ito ay malaking hamon sa mananalong presidente sa Mayo. Nararapat paunlarin ang mga lupang sakahan upang makapagbigay ng sobra-sobrang pagkain sa bawat hapag ng mga Pilipino. Huwag umasa sa imported na bigas, isda, gulay, prutas at asukal. Sa laki at yaman ng lupa, dapat ang Pilipinas pa ang mag-export.

SUGAR

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
no session for state
no session for code
no session for id_token
no session for user