^

Punto Mo

Iboto ang kandidatong may pinakamataas na pangarap

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SA panahon ng matinding pandemya, puwede pa ba tayong mangarap? Hindi lamang puwede, kundi kailangan. Kapag itinigil natin ang pangangarap, iyon na ang simula ng ating wakas. Pangarap ang makapag-aalis sa atin sa kabiguan ng kasalukuyan para dalhin tayo sa tagumpay ng kinabukasan. Sinabi ng bulag na manunulat na si Helen Keller, “Ang masahol pa sa bulag ay ‘yong taong nakakakita, ngunit walang pangarap.”

Gumagamit ang Diyos ng lider upang matupad ang isang pambansang pangarap. Isang halimbawa ang kasaysayan ni Martin Luther King, Jr., isang Amerikanong pastor at aktibista na nanguna sa pakikipaglaban para sa pantay na karapatan ng mga Amerikanong Africano sa U.S. Ang kanyang talumpating “Mayroon Akong Pangarap,” ay nagresulta sa pagpapatibay ng mga batas na nagbabawal ng diskriminasyon sa mga Amerikanong Africano at nagbibigay sa kanila ng karapatang bumoto.

Bilang mga Pilipino, nangangarap tayo ng isang bansang malaya sa kahirapan, karahasan, katiwalian, kawalang katarungan, at kawalan ng pagkakapantay-pantay. Sapagkat gumagamit ang Diyos ng lider para sa katuparan ng mataas na pangarap, napakahalaga na ang ihahalal nating pinakamataas na lider ay ‘yong may pinakamataas na pangarap para sa Pilipinas. Ang Italian sculptor na si Michelangelo ay nagsabi ng ganito, “Ang pinakadelikado para sa marami sa atin ay hindi naman ‘yong may mataas tayong pangarap na hindi natin naabot, kundi ‘yung may mababa tayong pangarap na ating naabot.”

Mahalaga na ang mapagkakatiwalaang media (ito ‘yung traditional media na tulad ng diyaryo, radyo at telebisyon, at hindi social media na karaniwang pinatatakbo ng mga bayarang vloggers at trolls) ay magsagawa ng mga live presidential interviews at debates upang makilatis ng mga botante ang mga kandidato kung sila nga ay may mataas na pangarap para sa Pilipinas. Sana’y lahukan ito ng lahat ng kandidato, lalo na ‘yung mga nangunguna sa survey.

Ito ang numero unong dapat nating hanapin sa isang kandidato — ang mataas niyang pangarap, hindi para sa kanyang sarili, kundi para sa Pilipinas. Kung ang mailuluklok natin sa kapangyarihan ay nangangarap lamang para sa kanyang sarili at pamilya, mababaon na tayo sa hukay ng kasawiang-palad.

Maging matalino sa pagpili. Madaling magkunwari. Madaling pakilusin ng pera ang social media para itaas ang magagandang katangian ng isang kandidato na sa totoo lamang pala ay tamad, walang alam, at walang pangarap.

Suriing mabuti kung ang background, track record, ugali, istilo ng pamumuhay, mga bagay na pinahahalagahan, at maging ang mga taong pinakikisamahan ng kandidato ay tumutugma sa sinasabi niyang mataas na pangarap para sa Pilipinas.  Kaya ba niyang gawin?  Gagawin ba niya? Matuto na sana tayo sa nakaraan nating karanasan na tayo’y umasa sa matataas na pangarap at magagandang pangako. Pero ang pangarap ay naging bangungot; ang pangako ay napako.

Kasama sa dapat nating sinusuring mabuti ay ang nakaraang kasaysayan, lalo na ang panahon ng batas militar na ngayon ay tinatangkang baguhin. Ang kasaysayan ay pinag-aaralan  at hindi binabago upang tayo’y matuto. Wika ng Spanish philosopher na si George Santayana, “Sila na hindi nakakatanda ng lumipas ay muling gagawin ito.”

Mangarap tayo bilang isang bansa. Piliin natin ang kandidatong may pinakamataas na pangarap at may kakayahan at integridad na gawing totoo ang pambansang pangarap!

ELECTION

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with