^

Punto Mo

Bata ang ­pinakamalaking ­yaman

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SA mata ng Diyos, napakahalaga ng isang bata. Ayon sa ilang theologians, bawat bata ay may anghel dela guardia na direktang nagrereport sa Diyos. Kaya kapag may ginawang masama ang isang tao laban sa isang bata, kaagad siyang mananagot sa Diyos.

Sinabi mismo ni Hesus na hangga’t ang isang tao’y hindi nagiging tulad ng isang bata, hindi siya makapapasok sa ­kaharian ng Diyos. Idinagdag pa ni Hesus na kung ipapahamak ng isang tao ang isang bata, mabuti pa sa kanya ang talian ng gilingang-bato sa leeg at itapon sa dagat. Ibig sabihin, ang hatol ay kamatayan.

Malaking pananagutan ng bawat lipunan ang pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng bawat bata. Kabilang sa pangunahing karapatan ng bawat bata na isilang at lumaki sa isang ligtas na lugar, magkaroon ng mabuting pamilya, matugunan ang mga pangunahing ­pangangailangan, makapag-aral, makapaglaro at maranasan ang kasayahan ng pagiging bata. Ayon sa United Nations Convention on the Rights of the Child, ang bata at sinumang ang edad ay mababa sa disiotso.

Ngayon ay isa nang krimen dito sa atin ang pagpapakasal sa isang bata o ang pakikisama sa isang bata bilang asawa. Ito ang nilalaman ng Republic Act No. 11596 o “An Act Prohibiting the Practice of Child Marriage and Imposing Penalties.” Sakop ng batas ang sinumang magkakasal o magiging kasangkapan para sa pagsasama bilang mag-asawa ng isang bata sa isang may edad o kaya’y dalawang kapwa bata. Sinumang lalabag sa bagong batas na ito ay pagmumultahin at mabibilanggo nang mula anim hanggang 10 taon.

Ang child marriage ay lumalabag sa napakaraming karapatan ng isang bata. Banggitin na lamang natin ang dalawa: Una, ang karapatang makapag-aral. Kapag ang isang bata’y nag-asawa at nagkaanak, mas malamang na mahihinto siya sa pag-aaral, sapagkat ang magiging pangunahin na niyang responsibilidad ay ang pangangalaga sa kanyang anak. Dahil sa kakulangan sa pag-aaral, mahihirapan siyang makatagpo ng magandang trabaho o hanapbuhay. Maaaring mangahulugan ito ng katapusan ng lahat ng maganda niyang pangarap sa buhay.

Ikalawa, ang karapatang makapaglaro at maranasan ang kasayahan ng pagiging bata. Isa sa mahalagang kabanata sa buhay ng isang bata ay ang paglalaro.  Dito nadedebelop ang kanyang kakayahang makipagkapwa-tao, maging mabuting lider o tagasunod, mag-isip ng mga estratehiya, tumanggap ng pagkapanalo o pagkatalo. Samakatuwid, sa paglalaro ay nadedebelop ang kabuoang pagkatao ng isang bata. Biruin mo, sa halip na malayang makapaglaro, may asawa na siyang pinagsisilbihan!

Ayon sa mga pag-aaral, ang isang batang naging masaya at malaya sa kanyang pagiging bata ay siguradong magiging responsable at produktibong mamamayan. Aagawin ng pag-aasawa ang masayang karanasang ito, sapagkat hindi na siya magiging malaya dahil mayroon siyang asawang maglilimita sa kanyang mga pagkilos. Ang isa sa pinakagrabeng maaaring agawin sa isang tao ay ang kasayahan ng pagiging isang bata.

Dapat masiyahan ang bawat bata sa pagiging bata. Ang katuparan nito’y nakasalalay sa ating mga kamay. Habang ginagawa natin ito, pinananatili nating buhay ang bata sa ating puso. At huwag nating kalilimutan, ang mga bata ang pinakamalaking yaman ng ating bansa, ang pinakamahalagang pamana sa atin ng Diyos. Wika sa Mga Awit 127:3, “Ang mga anak ay pamanang sa Panginoon nagmula, ang bunga ng sinapupunan ay isang gantimpala.”

GOD

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with