^

Punto Mo

Ano ang maireregalo mo kay Hesus?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

KAPAG Pasko, bawat tao’y umaasam ng regalo. Ang pagbibigay ng regalo sa tuwing kaarawan ni Hesus ay sinimulan ng Tatlong Pantas o kilala rin bilang Tatlong Hari o Tatlong Mago. Ang tatlong ito na matatalino at bihasa sa astrology ay nanggaling pa sa dulong silangan at sinasabing naglakbay sa loob ng apatnapung araw para lamang madalaw ang isinilang na Mesiyas na noon ay isa o dalawang taong gulang na, ayon sa mga church historian.

Ayon sa tradisyon, ang tatlong pantas ay sina Baltazar, Melchor, at Gaspar. Batay sa Ebanghelio ni Mateo, may dalang regalo ang tatlo nang sila’y dumalaw kay Hesus. Ang kanilang regalo ay ginto, kamanyang at mira. Ang mga regalong ito’y simbolo ng identity ni Hesus at prediksyon sa mga bagay na Kanyang isasakatuparan bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan.

Ang ginto ay regalo sa isang hari, ang kamanyang sa isang diyos, at ang mira sa isang taong nakatakdang magbuwis ng buhay para tubusin ang sangkatauhan. Si Hesus ay Hari, Diyos at Manunubos ng daigdig. Kaya ang regalo nila ay may kabuluhan sa nireregaluhan. Madalas, tayo’y nagreregalo ng mga bagay na walang kabuluhan at hindi pakikinabangan ng ating ­nireregaluhan. Naalala ko ang aking tiyuhin na kalbo ay niregaluhan ng mamahaling hair polish.

Kapag Pasko, ang may kaarawan ay si Hesus, kaya dapat ay Siya ang tumatanggap ng regalo mula sa atin, sa halip na tayo ang tumatanggap ng regalo mula sa Kanya. Madalas, Siya na may kaarawan ang nakakalimutang regaluhan. Marami, kung isulat ang Christmas ay X-mas.  At ganoon nga ang nangyayari, karaniwan, ang Cristo ay nawawala sa Pasko.

Batay sa halimbawa ng Tatlong Pantas, ano ang mga regalong maaaring ibigay kay Hesus sa Kanyang kaarawan?

Una, ginto. Isang mahalagang simbolo ng ginto ay ang pagiging puro, ang pagkakaroon ng dignidad. Anuman ang iyong trabaho, ang maireregalo mo kay Hesus ay ang iyong dignidad. Kung ikaw ay nasa gobyerno, huwag kang magnanakaw. Kung ikaw ay negosyante, huwag kang mandaraya. Maging patas ka at makatarungan sa lahat ng iyong ginagawa at makatotohanan sa lahat ng pagkakataon.

Ikalawa, kamanyang, simbolo ng pagiging Diyos ni Hesus. Ang sariling isinuko sa kapangyarihan ni Hesus ay mahalagang regalo sa Kanyang kaarawan.  Ibig sabihin, Siya na ang nasusunod sa iyong buhay. Kung ano ang Kanyang iniuutos ay iyon ang iyong sinusunod, taliwas man ito sa iyong kalikasan bilang tao. Halimbawa, naturalesa ng tao na maghiganti sa taong nakagawa sa kanya ng kasalanan. Pero dahil ang utos ni Hesus ay huwag gumanti, hindi ka gaganti, sa halip, ipapanalangin mo ang kabutihan ng iyong kaaway.

Ikatlo, mira, simbolo ng gagawing pagtubos ni Hesus sa kasalanan ng sangkatauhan. Tinubos ka na ni Hesus sa kasalanan, kaya’t iregalo mo sa kanya ang isang buhay na pinatatakbo ng malinis na motibo at naghahangad ng kabutihan ng kapwa sa lahat ng pagkakataon.

Hindi mo mareregaluhan si Hesus ng mga bagay na materyal.  Ang maireregalo mo sa Kanya ay ang sarili mong buhay na may dignidad at may kabuluhan sa iba. Tulad ng sinasabi sa Roma 14:7, “Sapagkat walang sinuman sa atin ang nabubuhay para sa sarili lamang.”

Maligayang Pasko at nawa’y mapaligaya mo ang iba!

CHRISTMAS

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with