^

Punto Mo

EDITORYAL - Ikulong kung ayaw makipagtulungan

Pang-masa
EDITORYAL - Ikulong kung ayaw makipagtulungan

HINDI nakikipagtulungan ang mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp. na sina Linconn Ong. Mohit Dargani at kapatid na si Twinkle sa Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa maanomalyang kontrata sa pagbili ng pandemic supply. Hinihingi ng komite na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon ang mga dokumento ng financial statements na sinumite ng kompanya sa Bureau of Internal Revenue at Securities and Exchange Commission.

Pero matigas ang Pharmally executives kaya nagpasya na ang Senate Blue Ribbon Committee na ikulong na sa Pasay City Jail ang dalawa (Ong at Mohit) samantalang si Twinkle ay nanatili sa pangangalaga ng Senado. Ayon sa Senado, mananatili sa kulungan sina Ong at Dargani hangga’t hindi nila sinasagot nang maayos ang mga tanong at hindi sila nagsusumite ng mga dokumentong hinihingi ng komite.

Patuloy silang tumatanggi at mas minabuti pang makulong sa mainit na Pasay City Jail kaysa makipagtulungan sa Senado. Ang kanilang pagtanggi ay lalo nang nagdidiin sa kanila na mayroong anomalyang naganap makaraang makakuha ng kontrata sa pamahalaan sa kabila na ang kanilang capital ay P625,000 lamang.

Lalo pang sumidhi ang paghihinala sa kanila nang tangkain ng magkapatid na Dargani na umalis sa bansa noong Nobyembre 14 patungong Malaysia. Isang private airplane ang maghahatid sa kanila subalit nadakip sila ng Senate’s Office of Sergeant at Arms habang pasakay ng eroplano sa Davao City International Airport. Ipinagtataka kung paano sila nabigyan ng pass ng Bureau of Immigration sa Davao City.

Lumalalim ang pag-iimbestiga sa Pharmally. Sa nangyayaring kaganapan ay tila nagsisimula pa lamang ang seryeng ito na ilang buwan nang pinagkakaabalahan ng Senado. Marami ang dapat pang mahalukay na anomalya at sana mayroong mangyari sa pagkakataong ito. Pera ng taumbayan ang nakataya rito. Mistulang ginisa sa sariling taba ang mamamayan.

Ang isang maganda, nakakulong na ang mga opisyal ng Pharmally. Hindi sila dapat makalabas ng kulungan hangga’t walang napipiga sa kanila at nang malaman ang buong katotohanan. Kung ayaw nilang magsalita, ha­yaan silang mabulok sa mainit at madilim na kulungan.

 

SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with