^

Punto Mo

Lalong lumala ang kanser

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

KANSER ng Lipunan: Ito ang original na titulo ng “Noli Me Tangere,” ang nobelang isinulat ni Jose Rizal noong 1887 na nagsiwalat sa karahasan at katiwalian sa panahon ng pananakop ng Spain sa Pilipinas. Sinakop ng Spain ang Pilipinas mula 1565 hanggang 1898 o mahigit sa 300 taon.

Hindi nagamot ang kanser, bagkus ay lumala pa, kaya ang mga kapitbahay natin sa Asya ay tinatawag tayong, “The sick man of Asia.” Tumindi pang lalo ang karahasan na gawa ng mga kriminal, mga rebeldeng grupo at diumano’y ng estado mismo na kung tawagin ay extra-judicial killings (EJK). Lalong lumala ang katiwalian na sinasabing isa ng kultura kaya’t napakalalim ng pagkakatanim. Ika-anim ang Pilipinas sa pinakatiwaling bansa sa Asia-Pacific. Ayon sa isang opisyal ng Ombudsman, umaabot sa P700 bilyon taun-taon ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa katiwalian. Dapat sana’y nagagamit ang malaking halagang ito sa pagtataas sa kalagayan ng mga nasa laylayan ng lipunan.

Katiwalian ang isang malaking dahilan kung bakit tayo nananatiling mahirap. Kapag hindi ito nasugpo, baka sa malao’t madali ay tagurian tayong, “The dead man of Asia.”  Dapat nating ituring ang laban kontra katiwalian na laban nating lahat, sapagkat lahat tayo’y apektado nito. Para sa akin, ang numero unong kwalipikasyon ng mga kandidatong aking iboboto ay ‘yong mga hindi nasangkot sa anumang uri ng katiwalian. 

Mahalagang manatili tayong mulat sa mga nangyayari sa ating kapaligiran. Importanteng hawak natin ang mga tamang impormasyon, sapagkat kung mali, tiyak na mali rin ang ating magiging konklusyon. Ito ang malaking problema sa kasalukuyan, marami ang kumukuha ng impormasyon sa mga social media sites o platforms na tulad ng FB, YouTube, Twitter, Linkedln, Pinterest and Instagram. Alam n’yo ba na tayo ang itinuturing na “Social Media Capital of the World?”    

Ang nangungunang social media platform dito sa atin ay ang FB.  Dati, ang sources natin ng balita ay ang radio, TV at diaryo.  Mahigpit ang patakaran dito ng paglalabas ng anumang balita, talagang sinasalang mabuti ng reporter at ng editor. Ang maling balita ay maaaring mangahulugan ng pagkawala ng trabaho kundi man pagkakademanda ng reporter. Alam ko ito, sapagkat matagal akong naging reporter. 

Walang ganitong masusing pagbusisi sa mga inilalabas sa mga social media platforms na tulad ng FB, kung kaya’t lumalaganap ang fake news. Napakadelikado nito lalo na ngayong may eleksiyon tayo sa susunod na taon. Ang mga fake news na ito’y sadyang ginagawa ng mga bayarang trolls para pabanguhin ang kanilang kandidato at siraan ang mga kalaban ng kanilang kandidato. Posibleng dahil sa fake news ay manalo ang mga tiwali at hindi karapat-dapat. Ang pundasyon kasi ng fake news ay kasinungalingan na dahil sa inuulit-ulit sa mahabang panahon ay pinaniniwalaan ng nakararami sa bandang huli. Sabi nga ng Nazi propagandist na si Joseph Goebbels, “Ulitin mo nang maraming beses ang isang kasinungalingan at ito’y nagiging katotohanan.”

Kailangan tayong maging matalino at mapanuri at tulungan natin ang iba na maging matalino at mapanuri. Sabi ni Hesus, “Magpakatalino kayong gaya ng mga ahas at maging maamo gaya ng mga kalapati.” Ibig sabihin, bagama’t tayo’y mabait, hindi natin dapat hayaan na tayo’y lokohin ninuman. Walang manloloko kung walang napaloloko!

JOSE RIZAL

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with