^

Punto Mo

Walang kuwenta ang titulo

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

WALANG pag-asang matanggap na rank-and-file government employee ang isang aplikanteng walang tinapos na kurso sa kolehiyo. Pero puwedeng tumakbo at posibleng manalo bilang Presidente ng Pilipinas ang isang kandidato kahit hindi nagtapos ng elementarya. Kasi, ang isang likas na mamamayang Pilipino na botante, 40 anyos sa panahon ng eleksiyon, naninirahan sa Pilipinas nang hindi bababa sa 10 taon, at marunong bumasa’t sumulat ay kuwalipikadong tumakbo na Presidente.

Marunong lamang bumasa’t sumulat, kahit walang anumang tinapos, puwede nang maging Presidente. Ang katwiran ay para bigyan ng oportunidad ang sinumang Pilipino para maging pinakamataas na lider ng bansa. Hindi masyadong pinahahalagahan ang edukasyon dahil hindi naman daw ito sukatan ng galing sa pagiging isang mabuting lider. Kung sabagay, may basehan din ang ganitong katwiran. Lahat nang naging Presidente ng Pilipinas, maliban kay Emilio Aguinaldo at Joseph Estrada, ay nagtapos sa kolehiyo. Sa 16 na naging Presidente, pito ang nagtapos sa UP. Titulado ang lahat halos ng naging Presidente natin, pero saan tayo dinala ng kanilang mga titulo?

Bagamat hindi nga kuwalipikasyon ang mataas na pinag-aralan, pero sa ngayon ay isyu ang pinag-aralan sa dalawang kandidato — kay Manny Pacquiao at Bongbong Marcos.  Diumano ay peke ang college diploma ni Manny. Sa kabilang dako, sinasabi ni Bongbong na siya’y nagtapos ng kumpletong college course sa prestihiyosong Oxford University sa England. Pero ayon mismo sa Oxford, wala silang record na si Bongbong ay nagtapos doon ng kolehiyo. Ang nasa kanilang record ay ang paggagawad kay Bongbong ng Special Diploma in Social Studies, pero hindi ito full graduate diploma. Wala namang problema kung totoong hindi nagtapos ng kurso sa kolehiyo ang dalawang ito. Ang problema ay kung hindi totoo ang sinasabi nilang totoo dahil iyon ay malinaw na pagsisinungaling.

Ako rin ay naniniwala na hindi sukatan ng kagalingan sa pamamahala ang diploma sa kolehiyo. Hindi ko itinuturing na walang pinag-aralan ang isang taong hindi nakaabot ng mataas na pinag-aralan. Para sa akin, ang mga walang pinag-aralan ay ang mga tituladong bastos at walang modo; ang mga tituladong ginagamit ang kanilang kakayahan sa pagsasamantala ng kapwa; ang mga taong tiwali at sinungaling. Napakarami nito sa ating lipunan.

Para sa akin, ang may pinag-aralan ay ang mga taong may tunay na malasakit sa mahihirap kahit na hindi siya mismo mahirap; mga taong hindi ipagpapalit ang integridad sa gaano mang kalaking kayamanan; mga taong ginagawa kung ano ang sinasabi; mga taong laging nagpapahalaga sa katwiran, katarungan, katotohanan, at kabanalan.

Binago ng 12 alagad ni Jesus ang buong mundo, bagamat hindi sila mga titulado, ngunit sila’y mga taong may pinag-aralan. Ganito ang wika sa I Corinto 1:27, “Pinili ng Diyos ang mga bagay na kahangalan ng sanlibutan upang hiyain niya ang marurunong, at pinili niya ang mga bagay na mahihina ng sanlibutan upang hiyain niya ang malalakas.”

Hindi mahalaga ang titulo sa pagpili natin ng pinakamataas na lider ng ating bansa. Ang mahalaga’y ang uri ng kanyang pagkatao at ang mga bagay na kanyang pinahahalagahan. Walang kuwenta ang titulo kung ito’y ginagamit para pagsamantalahan ang mga mangmang at para lamang isulong ang sariling kapakanan. Ang mas mahalagang titulo ay hindi ang nakasabit sa dingding, kundi ang nakaukit sa puso.

vuukle comment

EMPLOYEE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with