_pang-masa
^

Punto Mo

Hanapin ang ­kandidatong may ­integridad

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

ISA sa mahalagang katangian na dapat hanapin sa isang kandidato ay kung siya’y nagbibigay at tumutupad ng makabuluhang mga pangako, isang konkretong kapahayagan ng integridad. Ito ang malaking problema natin, kapag eleksyon, katakut-takot ang mga pangakong naririnig natin sa mga kandidato na marami ay napapako.

Mabuti ang politics dahil ito ang sining ng pamamahala. Ang nagpapasama sa politics ay ang mga pulitikong walang pagpapahalaga sa salitang pangako at ang tila sinusunod ay ang sinabi ng American author na si H.L. Mencken, “Ang mga pangako ay talagang ginagawa upang baliin at ang mga kasinungalingan upang panatilihin.”

Ano ba ang ipinapangako ng mga pulitiko? Wika ng political activist na si Emma Goldman, “Langit ang ipinapangako ng mga pulitiko bago mag-eleksyon, ngunit pagkatapos ng eleksyon, ang ibinibigay ay impiyerno.” Ayon naman kay Nikita Khrushchev, lider ng noon ay Soviet Union, “Magkakapareho lang ang mga pulitiko sa buong mundo.  Mangangako silang magtayo ng mga tulay kahit na walang ilog.”

Siyempre, mayroon din namang mga pulitikong may integridad, sapagkat gumagawa at tumutupad ng makabuluhang mga pangako. Sila ang mga pulitikong dapat nating ibinoboto. Sa isang pulitikong may integridad, anumang bitiwan niyang pangako ay isang commitment kung saan itinataya niya ang kanyang pangalan at dangal, kundi man ang kanyang buhay. Sa kanya, ang pangako ay ginagawa para tuparin.

Masarap makinig sa mga pangako na nagpipinta ng isang napakagandang bukas para sa lahat. Pakaingat ang bawat botante. Napakahalagang pag-aralan kung ang ipinapangako ng pulitiko ay talagang maaaring magawa sa panahon ng kanyang panunungkulan. Madaling sabihin ng isang kandidato na tutuldukan niya ang kahirapan, katiwalian, palakasan sa gobyerno, ilegal na droga at iba pang krimen. Pero magagawa ba talaga niya? Gagawin ba talaga niya? Ano ang kanyang programa para magawa ito?  Baka kapag hindi niya nagawa ay sabihin lang niya sa iyo, “joke lang, naniwala ka naman!”

Para sa akin, integridad ang pangunahing katangian na dapat nating hanapin sa bawat kandidato.  Integridad ang patuloy na nawawala sa serbisyo publiko na dapat maibalik kung nais natin ng gobyernong tunay na mangangalaga sa kapakanan ng mga mamamayan. Pag-aralang mabuti ang pagkatao ng kandidato. Sino ang mga kasama niya’t kaibigan? May kasabihan na, “Ituro mo sa akin kung sino ang iyong mga kaibigan at sasabihin ko kung sino ka.” Ano ang kanyang bukambibig? Sinabi ni Hesus, “Kung ano ang nilalaman ng dibdib, iyon ang namumutawi sa bibig.” Imposibleng maging dalisay ang puso ng isang taong ang bukambibig ay kabastusan at karahasan. Ano ang kanyang nakaraang kasaysayan, hindi ba siya nasangkot sa anumang katiwalian at karahasan?

Mahalaga ring matiyak mo na tama ang pinagmumulan ng impormasyong pinagbabasehan mo ng iyong paghuhusga. Huwag basta umasa sa katapatan ng mga nababasa mo sa social media.  Alalahanin mo na sangkatutak ngayon ang mga trolls.  Ito’y mga taong bayaran upang sumulat ng magagandang bagay tungkol sa isang pulitiko na hindi naman totoo o sirain ang kalaban sa pamamagitan ng mga isyung inimbento lang.

Kapag sa darating na eleksyon sa Mayo ay nanalo ang mga pulitikong tiwali at walang integridad sapagkat nangako ng langit, ngunit impiyerno pala ang ibibigay, walang ibang may kasalanan kundi ikaw na botanteng hindi nag-isip at walang malasakit sa Pilipinas!

2022 ELECTION
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with