^

Punto Mo

Iisa ang ating kulay, lahi at bansa

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

DILAWAN o pulahan. Kapag laban sa kasalukuyang administrasyon, binabansagang dilawan. Kapag progresibo ang kaisipan, pinararatangang pulahan. Nadagdagan pa ng kulay, pink. Dahil ito ang kulay na sinuot ni Bise Presidente Leni Robredo sa pagsusumite niya ng kandidatura bilang Presidente, nagkumahog ang kanyang mga supporters sa pagsusuot o pagdadala ng anumang bagay na kulay pink. Ang tawag sa kanila ngayon ay kakampink.

Napakahilig nating magbansag ng kulay na sumasalamin sa ating lipunang watak-watak, hati-hati at sobra ang pagkakabaha-bahagi. Kung gaano yata karami ang ating mga isla ay ganoon karami ang ating mga loyalties. Karagdagan pa ito sa regionalism na isang malaking hadlang sa ating pambansang pagkakaisa. Sa halip na ipagmalaki natin ang ating pagiging Pilipino, ang ipinagmamalaki natin ay ang pagiging Tagalog, o Ilokano, o Kapampangan o Cebuano, at marami pang iba. 

May biruan nga na ganito: kapag may sampung Chinese na naninirahan sa isang bansa, hindi magtatagal, magkakaroon ng China town; kapag may sampung Japanese, hindi magtatagal, magkakaroon ng automotive servicing; kapag may sampung Koreano, hindi magtatagal, magkakaroon ng Korean restaurant; kapag may sampung Pilipino, hindi magtatagal, magkakaroon ng sampung hiwa-hiwalay na organisasyon.

Lutang na lutang ang regionalism sa panahon ng eleksyon. Dahil galing sa kanyang region, iboboto ng botante ang kandidato para sa pambansang posisyon kahit na may masama itong rekord. Napakahina ng ating pambansang kamalayan kung kaya’t napakahirap nating pag-isahin bilang isang bansa.

Hangga’t hindi natitigil ang pagbabansag natin ng kulay sa bawat Pilipino at hangga’t hindi nawawasak ang regionalism, mananatili tayong lugmok bilang isang bansa. Mananatili tayong isang bansang maysakit na patungo sa kamatayan. Walang bansang magtatagumpay kung walang pagkakaisa ang kanyang mga mamamayan. Wika nga ni Hesus sa Marcos 3:24, “Kung hinahati ng isang kaharian ang sarili, babagsak ang kahariang iyon.”

Iisa lamang ang ating kulay, lahi at bansa. Pilipino tayong lahat na mamamayan ng Pilipinas. Walang ibang maaaring magmahal nang higit sa Pilipinas maliban sa ating mga Pilipino. Bakit maunlad ang Japan? Dahil mahal ng mga Japanese ang kanilang bansa. Bakit maunlad ang South Korea? Dahil mahal ng mga Koreano ang kanilang bansa.

Isang kaibigang Koreano ang nagsabi sa akin ng ganito, “Ang problema sa inyong mga Pilipino, kulang kayo sa pagmamahal sa inyong bansa.” Masakit ang kanyang sinabi, pero iyon ang totoo, talagang kulang tayo sa pagmamahal sa ating bansa.

Sa darating na eleksiyon, hanapin natin ang mga kandidatong may advocacy na tuldukan ang ating paghahati-hati sa iba’t ibang kulay at may determinasyong basagin ang mapanghating regionalism. Hanapin natin ang kandidatong may tunay na pagmamahal sa bayan, ipinagmamalaking siya’y isang tunay na Pilipino, hindi nabahiran ng katiwalian at pagsasamantala, at ang tunay na kayamanan ay ang kanyang sariling dangal.

Lahat tayo’y nakasakay sa iisang barko—sa Pilipinas, naninirahan man tayo sa Luzon, Visayas, o Mindanao. Hindi pwedeng wala tayong pakialam, sapagkat kapag lumubog ang Pilipinas, lulubog tayong lahat, mapapahamak tayong lahat!

Bawat isa sa atin ay may responsbilidad para iahon ang Pilipinas. Tayong karaniwang mamamayan ang tunay na lakas ng bansa. Totohanin na natin ang ating binibigkas sa Panatang Makabayan, “Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino, sa isip, sa salita, at sa gawa!”

vuukle comment

ELECTION

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with