^

Punto Mo

Mas nakamamatay na virus

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

KASAMA ang Pilipinas sa pangunahing apektado ng COVID-19 pandemic. Halos tatlong milyon na sa atin ang tinamaan ng coronavirus. Malapit nang umabot sa 38,000 ang namamatay. Bagsak ang ekonomiya. Milyun-milyon na ang nawalan ng trabaho. Marami ang lugmok, tulala, walang direksyon, nawawalan ng pag-asa. Kalusugang pangkaisipan ang tawag dito. 

Bago pa tayo tamaan ng coronavirus, laganap na sa atin ang iba pang virus na mas malala, mas nakahahawa, at nagdadala sa buong Pilipinas sa hukay ng kamatayan.  Ang mga ito’y ang virus ng katiwalian, kasinungali-ngan, pagsasamantala, pagyurak sa karapatang pangtao, kawalan ng kakayahan sa pamumuno, pagpapahina sa mga institusyon ng gobyerno, political dynasty, at kahinaan ng paninindigan para sa sobereniya ng Pilipinas bilang isang malayang bansa. Sama-sama, ang mga ito ang dahilan kung bakit ang Pilipinas ay tinaguriang “The Sick Man of Asia”.

Bawat nagdaang administrasyon ay may kontribusyon sa paglaganap ng mga virus na nauna sa coronavirus. Pero lahat nang ito’y lumala nitong nakaraang anim na taon sa panahon ng panunungkulan ni Presidente Duterte. Ngayon lumutang ang kahalagahan ng kalidad ng mga pinunong iniluluklok natin sa kapangyarihan, lalo na sa posisyon ng presidente.

Ang presidente ng Pilipinas ang isa sa pinakamakapangyarihang lider sa buong daigdig dahil sa mga karapatang ipinagkakaloob sa kanya ng Konstitusyon. Sa uri ng kanyang pamumuno nakasalalay ang buhay at kinabukasan ng ating bansa. Sa kanya totoong-totoo ang sinabi ni President Harry Truman ng US, “The buck stops here,” sa presidente titigil ang lahat ng pananagutan. Maikli ang anim na taon sa isang presidenteng mahusay at tapat sa pamumuno, ngunit napakatagal sa isang hindi.

Sa mga susunod na araw, malalaman na natin kung sinu-sino ang talagang opisyal na kakandidato sa pagkapresidente. Sa aking palagay, ang eleksyon sa isang taon ang pinakamahalagang eleksiyon sa ating kasaysayan, sapagkat ito ang magpapasya kung tayo’y makababangon sa hukay o lalo pang mababaon sa hukay. Wika ni Thomas Jefferson, “Ang gobyernong inihahalal mo ay ang gobyernong karapat-dapat sa iyo.”

Bilang mga botante, may pitong buwan pa tayo upang pag-isipang mabuti kung sino sa mga tatakbo sa pagkapresidente ang dapat nating iboto. Dalangin ko na tayo’y boboto hindi para sa ating sarili, kundi para sa kabutihan ng buong Pilipinas. Na tayo’y boboto hindi dahil may ginawa sa ating pabor ang kandidato.  Na tayo’y boboto hindi dahil popular at mataas sa survey ang kandidato.

Maging malaliman sana ang ating pagsusuri.  Ang iboboto nating presidente ay mamumuno hindi lamang sa isang siyudad, kundi sa buong Pilipinas; makikipag-ugnayan hindi lamang sa mga Pilipino, kundi sa iba pang mamamayan ng buong mundo. Ang presidenteng iluluklok natin sa Malacanang ay dapat magtaglay ng malawak na kaalaman at karanasan sa epektibong pamumuno.

Ang presidenteng iluluklok natin ay dapat kumatawan sa pinakamabuting katangian ng isang Pilipino: makatao, makabayan, maka-Diyos, makakalikasan.  Siya’y dapat maging huwaran natin sa isip, salita at gawa.  Isang presidenteng maipagmamalaki natin sapagkat may integridad, walang anumang singaw ng katiwalian, kung ano ang sinasabi ay siyang ginagawa, at kung ano ang ginagawa ay siyang sinasabi.  Isang presidenteng puwede nating sabihin sa isang bata, “Anak, siya ang tularan mo.”

Huwag mong kalimutan, ang balota mo ang bakunang tatapos sa pamiminsala ng virus sa ating lipunan!

vuukle comment

COVID-19

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with