_pang-masa
^

Punto Mo

Ano ang gusto mong iukit sa iyong lapida?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MAIKLI lang ang buhay. Dahil sa COVID-19 pandemic, ang katotohanang ito’y lalong lumutang sa ating kamalayan. Araw-araw, daan-daan ang namamatay, palapit nang palapit sa atin: kakilala, kabarangay, kapitbahay, kamag-anak, kapamilya.

Ang karaniwang haba ng buhay nating mga Pilipino ay 71.36 taon, kumpara sa mga taga-Hong Kong na 85.29 taon, ang may pinakamahabang buhay sa buong daigdig, at sa 54.36 taon ng mga taga Central African Republic, ang may pinakamaikling buhay sa buong daigdig. Sa Bibliya, ganito ang tala sa haba ng buhay ng tao, ayon sa Awit 90:10, “Ang mga taon ng aming buhay ay pitumpung taon, o kung malakas kami ay walumpung taon…”

Tamang-tama ang sinabing ito ng Bibliya sa ating mga Pilipino. Ang nakararami sa atin ay mabubuhay nang hanggang 70 taon, pero ‘yong talagang malulusog ay aabot nang hanggang 80 at higit pa. Dahil sa kaiklian ng buhay, lumaganap ang napakaraming slogan tungkol dito: Life is short, have fun. Life is short, stop worrying.  Life is short, be happy. Life is short, enjoy it. Life is short for fakeness. Mahalagang ma-enjoy natin ang ating buhay araw-araw at tayo’y pakinabangan ng lipunan.

Dahil maikli lamang ang buhay, dapat ay pinaplano natin ang ating kamatayan. Ang pinakamagandang paraan ng paghahanda sa kamatayan ay ang uri ng ating pamumuhay sa kasalukuyan. Kung ano ang gusto mong iukit sa iyong lapida ay kailangang ginagawa mo na  ngayon. Kung ano ang gusto mong sabihin ng mga tao sa panahon ng iyong lamay ay kailangang ipinamumuhay mo na ngayon. Halimbawa: kung gusto mong iukit sa iyong labida ang mga katagang, “A person of integrity,” kailangang mamuhay ka nang may integridad araw-araw. Ang isang taong nagnanais na alalahanin siya bilang isang taong matuwid ay hindi pwedeng mamuhay sa katiwalian.

Madalas nating marinig ang katagang “for posterity.” Kapag ang isang bagay ay ginagawa mo “for posterity,” ibig sabihin ay ginagawa mo ito hindi para sa iyong sariling kapakinabangan, kundi para sa kapakinabangan ng susunod na henerasyon. Maaaring hindi mapahalagahan ng kasalukuyan ang iyong ginagawa, ngunit ang pag-asa mo’y mapapahalagahan ito sa darating na mga taon.

Pangarap ko na ang nasa matataas na posisyon sa gobyerno at ang mga naghahangad ng matataas na posisyon sa gobyerno ay manungkulan na laging iniisip kung ano ang iuukit sa kanilang lapida at kung ano ang sasabihin sa kanila ng susunod na henerasyon. Kapag ganito, gagawin nila ang pinakamabuti, iiwasan sa lahat ng pagkakataon na mabahiran ang kanilang pangalan ng katiwalian, kasinungalingan, at pagsasamantala.

Pero sa totoo lang, kahit karaniwang Pilipino ay kailangang mamuhay na laging iniisip kung ano ang iuukit sa kanyang lapida at kung ano ang sasabihin ng susunod na henerasyon tungkol sa kanya. Sa ganitong paraan, lagi niyang gagawin ang pinakamabuti, lagi niyang isasaalang-alang ang kapakanan ng iba sa lahat ng kanyang gawain.  Ang isang empleyado ay kailangang maging dedikado sa kanyang pagtatrabaho upang may magsabi sa kanyang lamay, “ang pinakamasipag na empleyadong nakilala ko.”

Hindi pahabaan ng taon ang buhay. Ang mahalaga’y ang inilalagay nating buhay sa ating mga taon; isang buhay na naging kapaki-pakinabang at makabuluhan para sa kasalukuyan at susunod na henerasyon.     

 

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with