_pang-masa
^

Punto Mo

Kampanya para sa healthy lifestyle

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SA panahong ito ng pandemya kung saan aabot na sa mahigit 1.76 milyong Pilipino ang tinamaan ng COVID-19 at mahigit 30,000 na ang namamatay, napakahalaga ng pagkakaroon ng healthy lifestyle na kinapapalooban ng pag-iwas sa mga bisyong sumisira ng katawan, tamang pagkain at regular na pag-ehersisyo. Mas malakas ang panlaban sa coronavirus ng mga taong may healthy lifestyle.

Nakaaalarma ang resulta ng isang survey na ginawa kamakailan ng Department of Health (DOH) na nagpapakitang lalong lumala ang unhealthy lifestyle habits ng mga Pilipino sa panahon ng pandemya.  Ayon sa DOH survey, 40 porsyento ng mga Pilipino ay bumaling sa pag-inom ng alak at 15 porsyento sa paninigarilyo para harapin ang pandemya.  Ibig sabihin, apat sa bawat 10 Pilipino ang umiinom, at isa sa bawat 10 ang naninigarilyo araw-araw. 

Tungkol naman sa pagkain, 90.1 porsyento ng mga Pilipino ay hindi sapat ang kinakaing prutas at gulay, at may halos isang porsiyento na ni hindi kumakain ng prutas at gulay. Dalawa sa bawat limang Pilipino ay laging nagdadagdag ng asin o maalat na panimpla sa kanilang pagkain.  Samantalang isa sa bawat tatlo ay laging kumakain ng mga processed food na maalat.  Ang resulta nito, isa sa bawat sampung Pilipino ay may mataas na blood sugar; isa sa bawat apat ay hypertensive.  Umaabot sa 54.5 porsiyento ng mga Pilipino ang regular na umiinom ng gamot laban sa hypertension. Napag-alaman din na marami ang walang regular na ehersisyo.

Bunga ng unhealthy lifestyle ng mga Pilipino, ang nangungunang dahilan ng kamatayan sa Pilipinas ay cardiovascular disease, cancer, chronic obstructive pulmonary disease at diabetes mellitus na tinatawag na non-communicable diseases o mga sakit na hindi nakahahawa.

Hindi lamang kampanya laban sa droga, kriminalidad at katiwalian ang dapat ilunsad sa lipunang Pilipino Dapat magkaroon din ng kampanya para sa healthy lifestyle: No alcohol; no cigarette; no salty processed food. Ilan lamang ang mga ito sa dapat ipagbawal sa mesang Pilipino.

Kailangan bang maging mayaman para magkaroon ng healthy lifestyle? Hindi! Ang totoo, mas matipid nga dahil hindi ka kakain ng junk food, hindi ka iinom ng alak at maninigarilyo. Marami sa hinihingi ng healthy lifestyle ay libre tulad ng pagbibilad sa araw sa umaga, paglanghap ng sariwang hangin, pag-ehersisyo, at maagang pagtulog.

Ang kalusugan ay kayamanan. Daig ng isang ordinaryong taong malusog ang isang mayamang sakitin. Magastos ang magkasakit, wika ng isang commercial.  Pero hindi lamang magastos, kapag nagkasakit ka, ubos ang lahat ng iyong naipon, kundi man mababaon ka sa utang. Napakahalagang pangalagaan ang ating katawan laban sa pagkakasakit. Ang delikado sa COVID-19 ay ang mga taong may comorbidities, may dalawa o higit pang sakit, tulad ng diabetes at hypertension.

Nagbigay ang Bibliya ng kadahilanang espiritwal kung bakit kailangang pangalagaan nating mabuti ang ating katawan. Sabi sa 1 Corinto 6:19, “O hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu na taglay ninyo mula sa Diyos?” Bilang templo, kailangang panatilihin itong malinis. Bawal pasukan ng droga, sigarilyo, alak, pagkaing makolesterol at maalat.

Bawat Pilipino’y kailangang magsikap sa pagkakaroon ng healthy lifestyle. Dito magsisimula ang ating pagbangon bilang bagong Pilipinas! Kung hindi natin gagawin ito, hindi lamang tayo sa kangkungan pupulutin, kundi sa sementeryo!

LIFESTYLE
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with