^

Punto Mo

Fake news, mas malala kaysa tsismis

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MAY isa pa tayong matinding kalaban bukod sa patuloy na pagkalat ng COVID-19, ito’y ang patuloy na pagkalat ng fake news sa social media. Kamakailan, dinagsa ng libu-libong tao ang isang vaccination site sa Maynila dahil sa fake news na ang mga walang bakuna ay hindi makatatangap ng ayuda at hindi hahayaang makalabas ng kanilang bahay.

Dalawang katotohanan ang lumutang dito. Una, talagang may mga tao na ang trabaho’y magpakalat ng fake news sa social media. Trabaho, kasi ito ang kanilang pinagkakakitaan.  Ikalawa, marami tayong kababayan na madaling mapaniwala ng fake news sa social media. Kung ang mga bayarang tagapagkalat ng fake news, trolls kung tawagin, ay nakikinabang, ang mga nabibiktima naman nito’y napipinsala. Ilan kaya sa libu-libong dumagsa sa nasabing vaccination site ang nanghawa o nahawahan ng COVID-19? Nakakatakot isipin ang maaaring ibunga ng fake news.

Ang fake news ang modernong bersyon ng tsismis na almusal ng maraming Pilipino.  Kay daming nasirang buhay dahil sa tsismis. Pero itong fake news ay mas mapanganib, sapagkat malawak ang naaabot nito. Para itong Delta variant ng COVID-19. Ang tsismis ay maaari lamang kumalat sa isang barangay, ngunit ang fake news ay maaaring kumalat sa buong Pilipinas at maging sa labas nito.

Mas madaling mahuli ang pinagmumulan ng tsismis kaysa pinagmumulan ng fake news. Kaya dumarami ang nagkakalat ng fake news ay dahil nga ito’y pinagkakakitaan at walang makahahadlang sa gumagawa nito.  Konsensya lang ang pwedeng humadlang.  Pero ang malaking problema, ang mga gumagawa nito’y walang konsensya.

Lubhang delikado na marami tayong kababayan ang kumukuha ng balita mula sa social media na pinanggagalingan ng fake news. Hirap silang malaman kung ano ang totoo at gawa-gawa lamang,  kasi nga’y napakahusay ng mga tagapagkalat ng fake news na pagmukhaing totoo ang kasinungalingan. Ang pinakaligtas sanang pagkunan ng balita ay ang mga diyaryo at telebisyon, sapagkat ang mga tagapagbalita rito’y may malaking responsibilidad na tiyaking tama at totoo ang kanilang ibinabalita. Pero, ilan ba ang nagbabasa ng diyaryo at nakikinig ng balita sa telebisyon, kumpara sa tinatayang 89 milyong Pilipino na regular na gumagamit ng social media?

Kayang-kayang ipanalo ng fake news sa social media ang mga pekeng lider at ipatalo naman ang mga tunay. Kinamumuhian ng Diyos ang nagkakalat ng kasinungalingan na sumisira sa buhay ng tao.  Sabi sa Kawikaan 6:16-19, “Ang Panginoon ay namumuhi sa anim na bagay, oo, pito ang sa kanya’y kasuklam-suklam: mga palalong mata, sinungaling na dila, at mga kamay na nagbububo ng dugong walang sala, pusong kumakatha ng masasamang plano, mga paang sa kasamaan ay nagmamadali sa pagtakbo; bulaang saksi na nagsasalita ng kasinungalingan, at ang naghahasik sa magkakapatid ng kaguluhan.”

Kailangang maging katuwang tayo ng Diyos sa paglaban sa fake news. Ang social media ay pinupuno ng fake news ng mga trolls. Tayong pinagkalooban ng Diyos ng pagkaunawa, punuin naman natin ang social media ng katotohanan. Kung sigurado tayong ang post sa social media ay kasinungalingan at paninira lamang, magkomento tayo.  Huwag na huwag nating ila-like ang mga posts na mapanirang-puri.

Huwag tayong manahimik sa harap ng kasamaan at kasinungalingan. Tandaan natin ang sinabi ni Edmund Burke, “Ang kailangan lamang para magtagumpay ang kasamaan ay ang pananahimik ng mabubuti.”   

vuukle comment

COVID-19

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with