31-anyos na tiktok star, babaing may pinakamalaking bunganga sa mundo

ISANG TikTok star sa Connecticut ang kinilala ng Guinness World Records para sa kanyang napakala-king bunganga.

Ilang beses nang nag-viral sa TikTok ang 31-anyos na si Samantha Ramsdell, matapos niyang ipakita sa video kung gaano kalaki ang kanyang bunganga, dahilan upang maisipan niyang lumapit sa Guinness at makuha ang record para sa pinakamalaking bunganga ng isang babae.

Pinaunlakan naman siya ng Guinness, na nagpadala ng kinatawan at sumama kay Ramsdell nang pinasukat nito ang kanyang bunganga sa isang dentista.

Nang sukatin, nakumpirma ngang ang bunganga ni Ramsdell ang pinakamalaki para sa isang babae sa sukat na 2.56 inches.

Natuwa naman si Ramsdell sa pagkilala ng Guinness. Hindi raw niya inakalang sa edad niyang 31 ay makakapagtala pa siya ng world record.

Mayroong 1.7 milyong followers si Ramsdell sa TikTok, kung saan ay minsan na rin siyang nakipag-duet kay Isaac Johnson na kinikilala naman ng Guinness bilang may pinakamalaking bunganga para sa isang lalaki.

Show comments