‘Goodness begets goodness’

SA isang national highway sa Madrid, isang lalaking naka-motorsiklo ang napahinto dahil biglang tumigil ang makina nito. Itinabi niya ang motorsiklo. Luminga-linga ang lalaki. Nasa gitna siya ng highway. Malabong makakita ng talyer o mekaniko para hingan ng tulong. Sumenyas siya sa mga trak na dumadaan para humingi ng tulong pero inisnab lang siya.

May isang oras na siyang nakatigil sa tabi ng kalsada ng isang pickup truck ang huminto sa tapat niya. Nakangiting bumaba ang isang lalaki.

“Anong problema?’’  tanong ng drayber ng pickup.

“Huminto na lang bigla ang makina.’’

Minasdan ng lalaki ang motorsiklo, parang tinatantiya kung kasya ito sa likod ng kanyang pickup truck. Maya-maya ay nagsalita:

“Halika, pagtulungan nating isakay iyan sa aking pickup. May talyer doon sa bandang dulo ng highway. Doon mo ipaayos.”

Pagkarating sa talyer, ibinaba nila ang motorsiklo. Subalit makaraang maibaba, ang lalaking may-ari ng pickup ay biglang natumba sa pagkakatayo. Buti na lang at nasalo siya ng lalaking may-ari ng motorsiklo.

Inihiga ng may-ari ng motorsiklo ang lalaki sa sahig at saka siya tumawag sa 112 (kagaya ng 119 sa USA). Idinidikta ng 112 operator kung ano ang gagawing first aid sa natumbang lalaki. Ipinaliwanag ng operator na inatake sa puso ang lalaki. Mabuti na lang, ang lalaking may motorsiklo ay nakatapos pala ng first aid course. Nagawa niya nang tama ang resuscitation maneuvers kaya nailigtas niya sa kamatayan ang lalaking driver ng pickup.

Ang nagligtas sa lalaki sa tiyak na kamatayan ay ang kanyang pusong matulungin. Isang napakagandang coincidence na ang tinulungan niyang pasakayin sa kanyang pickup ay marunong sa first aid.

“Carry out a random act of kindness, with no expectation of reward, safe in the knowledge that one day someone might do the same for you.” —Princess Diana

Show comments