Pagkatapos mong mabuko…

…ang pangangaliwa ng iyong asawa at sumusumpang hindi na siya uulit, ano ang iyong susunod na gagawin?

Sundin mo ang ididikta ng iyong puso. Kung ang pakiramdam mo ay bigyan muli siya ng isa pang tsansa, then, go. Ikaw ang makikisama at hindi ang mga tao sa iyong paligid na nagsusulsol na isauli mo na siya sa iyong biyenan.

Alamin kung ano ang nagtulak sa kanya para kumaliwa. Hindi na kailangan pang malaman kung sino ang hinayupak na babae, saan nagkikita at gaano kadalas ang minsan. Tuklasin kung ano ang pagkukulang mo, o hindi ninyo ginawang mag-asawa, na nagtulak sa kanya para tikman ang ibang putahe sa mumurahing karinderya.

Muli siyang pagkatiwalaan. Dahil pinili mong patawarin siya, panindigan mo ito gaano man kahirap sa iyong nasaktang pride. Iwasang maging “historian”. ‘Yun bang isusumbat mo ang naging kasalanan  niya sa tuwing magtatalo kayo. Sikaping magkaroon ng “amnesia” tuwing bumabalik sa iyong alaala ang naging kataksilan niya.

Madali lang sa salita ang magpatawad pero napakahirap gawin. Umatend ng marriage counseling. Kung minsan ay mas mabuting humingi ng payo sa eksperto dahil mas malawak ang perspective ng ibang tao at nasisipat niya ang lahat ng anggulo ng problema.

Kung talagang hindi mo siya magawang patawarin dahil napakalaking sugat sa iyong puso ang idinulot ng kanyang kataksilan, then, ibigay mo na sa kanya ang kalayaan. Hayaan mo na siya sa kanyang buhay. Malay mo, ‘yun talaga ang gusto niya. Pasasaan ba’t maghihilom din ang sugat ng nakaraan.              

Show comments