_pang-masa
^

Punto Mo

Hindi lamang Presidente ang dapat mabago

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NAIDELIBER na ni Pres. Digong Duterte ang kanyang huling State of the Nation Address (SONA). Sa isang taon, iba na ang magbibigay ng SONA dahil sa presidential election sa May 2022. Sino kaya sa kanila — Ping, Sarah, Manny, Leni, Bongbong, Isko, Allan?

Sa tuwing may presidential election, inaasam natin na ang mahahalal na Presidente ay gagawa ng magic na tulad ng isang superhero upang wakasan ang lahat ng ating problema sa loob ng anim na taon. Marami sa atin ang naniwala na si Digong ay isang superhero na kayang tapusin ang isa sa malala nating problema, ang katiwalian, sa loob lamang ng tatlo hanggang anim na buwan, gaya ng kanyang ipinangako. 

Lumipas ang tatlong buwan, hindi nawala ang katiwalian. Lumipas ang anim na buwan, buhay na buhay pa rin ang katiwalian. Matatapos na ang anim na taon niyang termino, tatlong beses na lalong lumala ang katiwalian, kung paniniwalaan natin ang ibinulgar ni Manny Pacquiao.

Ngayon, napag-unawa natin na mangangailangan ng higit pa sa isang matinong Presidente upang wakasan ang katiwalian na isa ng kultura sa Pilipinas. Ang katiwalian ay naging paraan na ng ating pamumuhay, bumaon na sa ating kamalayan, dumadaloy na sa ating mga ugat.

Sa tuwing may eleksyon, nagkakaroon tayo ng panacea, pinaniniwalaan natin na ang bagong halal na Presidente ay isang magic bullet na papatay sa lahat ng ating kaaway, isang miracle drug na gagamot sa lahat ng ating sakit. Halimbawa uli ay ang katiwalian. Madali ba itong mabubunot ng nahalal na Presidente kung ito’y nag-ugat na nang malalim sa gobyerno magmula sa Malacanang hanggang sa kaliit-liitang barangay, kung ito na ang paraan ng pamumuhay ng karaniwang Pilipino? Galit ka sa katiwalian, pero gaano ka kahandang maglagay para mauna ang iyong papeles o malusutan ang pananagutan sa batas?

Malayo pa tayo sa pagkakaroon nang malaliman, makabuluhan at pangmatagalang pagbabago. Hindi lamang Presidente, sistema at proseso ang dapat palitan. Hindi lamang mga bagong departamento ng gobyerno ang dapat itatag. Hindi lamang mga bagong imprastraktura ang dapat itayo. Kailangang mapalitan ang paraan ng ating pag-iisip. Sa Roma 12:2 ay ganito ang tagubilin ni Pablo, “Huwag kayong makiayon sa takbo ng kapanahunang ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip. Sa gayon, mapapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.”

Kailangang mabago ang mga bagay na ating pinahahalagahan at pinagkakatuwaan bilang isang bansa. Hangga’t humahalakhak tayo sa mga biro tungkol sa panggagahasa sa mga kababaihan o tinatanggap natin nang magaan sa kalooban ang mararahas na pananalita ng ating mga lider, talagang malayo pa tayo.

Kailangan natin ang isang Presidente na magtuturo sa atin na laging tumayo sa katotohanan, katwiran at katarungan. Isang Presidente na ang pangarap ay para sa buong Pilipinas, magpapakita sa atin ng halimbawa ng tunay na pagmamahal sa bansa. Wala pa ito sa ating pambansang kamalayan. Madalas, ang pagmamahal natin ay humihinto sa pagmamahal sa ating pamilya, kung kaya’t hindi umaabot hanggang sa bansa. Suma total, hindi lamang Presidente ang dapat mabago. Ikaw, ako, ay dapat mabago! Hindi puwedeng isa lamang ang bayani.  Lahat tayo’y dapat maging bayani!

SONA
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with