_pang-masa
^

Punto Mo

EDITORYAL - Binigo ang OFWs

Pang-masa
EDITORYAL - Binigo ang OFWs

NGAYON ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pres. Rodrigo Duterte bago bumaba sa puwesto sa susunod na taon. Sa una niyang SONA noong Hulyo 25, 2016, kasama sa kanyang mga ipinangako ang pagtatatag ng departamento para sa overseas workers. Sabi niya, pakikiusapan niya ang Kongreso na gumawa ng batas para magkaroon ng sariling departamento ang OFWs na agarang tutulong sa dinaranas na problema.

Maski noong nangangampanya pa siya sa panguluhan, kasama sa kanyang mga ipinangako ang pagkakaroon ng sariling tanggapan ng mga OFWs. Ito ang dahilan kaya maraming OFWs ang bumoto sa kanya. Ngayon, pagkaraan ng anim na taon, ang pangakong Department of OFWs ay isang bangungot na lamang. Wala nang pag-asang maging batas sapagkat bababa na si Duterte. Hindi na magkakaroon ng pagkakataon sapagkat pawang abala na ang mga mambabatas sa 2022 elections. Bago nila talakayin ang para sa OFWs ang kanilang sarili muna ang ipaprayoridad lalo ngayong papalapit na ang elections.

Binabalewala na ng mga mambabatas ang kapaka­nan ng OFWs. Maraming batas silang pinapanukala pero ang para sa OFWs ay hindi nila pinaprayoridad. Nalimutan na nila ang mga naitulong ng OFWs para makabangon ang hilahod na ekonomiya ng bansa.

Tanging si Senator Bong Go ang nagpapakita ng malasakit sa mga OFWs. Inihain niya ang Department of Overseas Filipinos (DoFil) noong nakaraang taon. Ayon kay Go, hangarin ng DoFil ang mabilis at epektibong pagtugon ng gobyerno sa pangangaila-ngan ng migrant workers at kanilang pamilya lalo sa panahon ng pandemya.

Mahalaga ang pagkakaroon ng Department of OFWs. Dahil walang sariling tanggapan ang OFWs, hindi nila malaman kung saan susuling kapag may kaguluhan sa bansang pinagtatrabahuhan. Kapag may pandemya gaya nang nararanasan sa kasalukuyan,  wala silang matakbuhan para mahingian ng tulong.

Kawawa ang OFWs at dapat itong malaman ng mga mambabatas. Marami sa mga OFWs ang dumaranas ng pagkaapi, pang-aabuso at malagim na kamatayan sa kamay ng kanilang mga amo.

Kung may tanggapan ang OFWs, mayroon nang pupuntahan ang mga inabuso at minaltrato ng employer. Kung may krisis, giyera at pandemia hindi sila kakaba-kaba.

Ngayong wala nang pag-asang maipasa ang Department of OFWs, luhaan ang mga “bagong bayani’’. Umasa sila at binigo.

OFW
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with