Kakaibang Eba (143)
KINABUKASAN, ang pagtatanim naman ng palay ang itinuro ni Mariz kay Piolo.
Kumuha ng punla si Mariz at ipinakita kay Piolo kung paano ito itinatanim.
“Kukuha ka ng ilang puno ng punla at saka mo ilulubog o itutusok sa putik. Nakatayo dapat ang punla. Ganito, Piolo.’’
Pinagmasdan ni Piolo ang ginagawa ni Mariz.
‘‘Ganyan lang pala. Kayang-kaya ko yan, Mariz.’’
“Sige nga.’’
Ginawa ni Piolo.
Hanga si Mariz.
‘‘Ang bilis mong matuto, Piols. Palagay ko magiging matagumpay kang magsasaka sa hinaharap.’’
“Harinawa, Mariz.’’
“Kasi mabilis kang natutong mag-araro at ngayon naman ay ang pagtatanim ng palay. Ang mga katulad mong lumaki sa lungsod ay matagal bago matutong gumawa sa bukid. Mahirap kasi ang trabahong ito.’’
“Lahat ay pag-aaralan ko para sa iyo, Mariz. Kaila-ngang malaman ko lahat ang trabaho dito dahil ako ang bubuhay sa iyo at sa ating mga magiging anak. Mula sa pawis ko, pakakainin ko kayo, Mariz.’’
‘‘Ang sarap pakinggan ng sinabi mo Piolo.’’
“Talagang desidido akong matutuhan lahat ang trabaho rito.’’
“Sige, bukas ang itututo ko naman sa’yo ay kung paano mag-araro gamit ang kalabaw.’’
“Mayroon kang kalabaw?’’
“Oo. Mayroon akong apat na kalabaw. Kasi, kapag nasira nang di inaasahan ang hand tractor, kalabaw ang aking ginagamit. Tuturuan kita bukas. Mas mahirap ang mag-araro gamit ang kalabaw pero palagay ko madali ka ring matututo.’’
“Kayang-kaya ko yan, Mariz.’’
‘‘’Yan ang gusto ko sa’yo Piolo. Hindi ka marunong sumuko.’’
“Kapag para sa’yo hindi talaga ako susuko.’’ (Itutuloy)
- Latest