_pang-masa
^

Punto Mo

Pananampalataya ang tatalo sa kamatayan

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

ARAW-ARAW, may namamatay dito sa atin dahil sa COVID-19. Noon ay hindi tayo masyadong apektado dahil hindi naman natin kakilala ang mga namamatay. Kababayan, kabarangay, kaibigan, kamag-anak, kapamilya, palapit nang palapit sa ating bakuran ang tila naglalakbay na si kamatayan.

Mahigit nang 25,000 Pilipino ang namamatay dahil sa pandemya. Kaya sino ba naman ang hindi matatakot? Noong nakaraang linggo, isa kong kaibigan ang nag-text sa akin para hilinging ipanalangin ko siya at ang kanyang asawa, sapagkat sila’y nagpositibo sa COVID-19. Kinaumagahan, humingi uli siya ng panalangin, sapagkat dinala sa hospital ang kanyang asawa.  Kinahapunan, tinawagan niya ako upang ipaalam ang malungkot na balita na pumanaw na ang kanyang asawa.

Napakabilis! Ni hindi siya nakadalaw sa hospital. Ni hindi niya nakita ang mga labi ng kanyang asawa, sapagkat kailangan itong agarang ipa-cremate. Hindi niya inaasahan ang pangyayari, kampante siya, sapagkat pareho silang kumpleto na ng bakuna laban sa coronavirus.

Ang pagkatakot sa kamatayan ay nananatiling isa sa pinakamalaking takot ng tao. Ngayon sa ating panahon, lalong naging totoong-totoo si kamatayan. Kaya malamang ay lalong lumaki ang takot ngayon ng tao kay kamatayan. Ano ang mag-aalis sa ating takot?  Ang bakuna ba gayong kahit ang mga nabakunahan na ay hindi pa rin ligtas?

Isa kong pinsan ang nagsabi sa akin na nang mabakunahan siya ay lalong nadagdagan ang kanyang takot kay kamatayan dahil sa napaulat na mga grabeng side effects ng brand ng bakunang itinurok sa kanya. Ang pera ba ang makapag-aalis ng ating takot?  Napakaraming mga maykaya ang tinamaan ng COVID-19 at marami rin sa kanila ang namatay.

Sa labanang ito’y tila hindi nakakaungos ang may pera. Isang kaibigan ang nagtanong sa akin kung may alam akong pulubi o palaboy sa lansangan na namatay dahil sa COVID-19. Sa totoo lang, wala akong alam.

Sa maniwala ka’t hindi, walang ibang panlaban sa takot sa kamatayan kundi ang pananampalataya sa Diyos ng buhay. Kapag sumampalataya ka sa Diyos sa pamamagitan ni Hesus, magiging sarili mong deklarasyon ang sinabi sa 1 Corinto 15:54-55, “Ang kamatayan ay nilamon na ng tagumpay.  Nasaan na, kamatayan, ang iyong tagumpay? Nasaan na, kamatayan, ang iyong kamandag?” Biruin mo, dahil sa pananampalataya, wala ng kamandag si kamatayan? Saan ka pa?

Maganda ang depinisyon ng pananampalataya sa Hebreo 11:1, “Ang pananampalataya ay ang pagiging tiyak sa mga bagay na inaasahan at paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita.”  Dahil sa pandemya, walang katiyakan ang mga baga-bagay, at ito’y nakapagdudulot ng matinding takot. Ngunit dahil sa pananampalataya, inaangkin nating may katiyakan ang magagandang bagay na ating inaasahan, at ito’y nakapagdudulot ng malalim na kapayapaan.

Hindi nakikita ng ating naked eyes ang mga makamandag na virus na tulad ng COVID-19, ngunit nakikita ito ng powerful microscope. Hindi rin nakikita ng ating naked eyes ang pagkilos ng Espiritu ng Diyos, ngunit nakikita ito ng powerful eyes of faith. Sabi ni Pablo sa 2 Corinto 5:7, “Sapagkat lumalakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng aming nakikita.”

Sa pamamagitan ng pananampalataya, magagapi natin hindi lamang ang coronavirus, kundi maging ang kamandag ng kamatayan at ng kawalang pag-asa.

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with