_pang-masa
^

Punto Mo

Pag-aralang mabuti ang pangako ng kandidato

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

LABING-ISANG buwan na lamang ay maghahalal tayo ng bagong presidente. Siyempre, bago ang halalan ay ang kampanya kung saan makakarinig na naman tayo ng mga pangako. Ang mga kandidatong ang mga pangako ay bibihag sa imahinasyon ng mga botante ay paniguradong mananalo.

Noong halalan 2016, ang imahinasyon ng mga botante ay nabihag ng mga pangako ng kandidatong si Rodrigo Duterte, kung kaya siya ang nahalal na bagong Presidente ng bansa. Kabilang sa kanyang mga pangako na parang bato ni Darna na nilunok ng mga botante ay ito: wawakasan niya ang krimen, ilegal na droga at katiwalian sa loob lamang ng tatlo hanggang anim na buwan. Katulad sa kuwento ni Darna, ang pangakong ito’y parang batong nagbigay ng bagong lakas at pag-asa sa lulugu-lugong Pilipino. 

Nguni’t ang malungkot, lumipas ang anim na buwan, at ngayon ay malapit nang lumipas ang anim na taon, ay malayung-malayo pa rin sa katuparan ang pangako. Buhay na buhay pa rin ang krimen, ilegal na droga at katiwalian, habang ang pangarap ng mga Pilipino para sa isang tahimik, matiwasay at malinis na buhay ay naghihingalo na, kundi man tuluyan nang pumanaw.

Inamin ng mga tagapagtanggol ng administrasyon na hindi sapat ang anim na buwan at maging anim na taon upang matapos ang tatlong problema, kung kaya sinasabi nila na ang dapat pumalit kay Duterte ay ang kandidatong kanyang babasbasan. May mga nagsusulong pa na tumakbo siya bilang bise-presidente.

Hindi ko mapigilan ang magtanong — naniniwala ba talaga si Duterte at ang kanyang mga tagapagtanggol na maaaring mawakasan ang krimen, droga at katiwalian sa loob lamang ng anim na buwan? Kung mananalo si Duterte bilang bise, siya ba ang magpapatakbo ng gobyerno?

Ano ang mga aral na dapat ay natutuhan na natin bilang mga nag-iisip na botante? Una, huwag padadala sa matatayog na pangako na imposibleng namang maisakatuparan. Kung ang pangako ng isang kandidato ay pang-science fiction kaysa pang-realidad, huwag mo nang iboto ang kandidatong iyon, sapagkat binobola ka lamang niya.

Ikalawa, suriing mabuti ang bukambibig ng kandidato. Wika ni Hesus, “Kung ano ang bukambibig siyang laman ng dibdib.” Kung ang mga salita ng kandidato ay puno ng galit, kalaswaan at karahasan, dadalhin niya tayo sa isang lipunang watak-watak at walang pagpapahalaga sa kabanalan, karapatang-pantao at dignidad ng buhay.

Ikatlo, pag-aralang mabuti ang background at track record ng isang kandidato.  Siya ba’y may karanasan sa mahusay na pamumuno at hindi nasangkot sa anumang karahasan, katiwalian at kasinungalingan?

Ano ba ang pangakong gusto mong marinig mula sa kandidato sa pagka-presidente? Ako, simple lang ang gusto kong kanyang ipangako. Gusto kong ipangako ng kumakandidato sa pagka-presidente na hinding-hindi siya magsisinungaling sa panahon ng kanyang termino. Ang laging pagsasabi ng totoo at paggawa ng tama may nakakakita man o wala ang pinakamataas na sukatan ng integridad. Ito ang tila unti-unti nang nawawala sa serbisyo publiko, ang integridad. Ang taong dapat maupo sa Malacanang ay ang kandidatong walang-bahid ang integridad. 

Depende sa ating pamimili ang uri ng gobyernong sasaatin. Ang nakataya sa gagawin nating pamimili ay ang kinabukasan ng ating mga anak at kanilang magiging mga anak. Baka ito na ang huling pagkakataon na tayo’y mamimili. Tulungan nawa tayo ng Diyos!

ELECTION
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with