_pang-masa
^
EDITORYAL - Hindi na kailangang magbanta sa mga ayaw magpabakuna

EDITORYAL - Hindi na kailangang magbanta sa mga ayaw magpabakuna

(Pang-masa) - June 24, 2021 - 12:00am

NOONG nakaraang linggo, sinabi ni President Duterte sa mga tumatangging magpabakuna na mamatay o magpabakuna. Pinayuhan niya ang mga ayaw magpabakuna na bumili na lang ng kabaong. O kaya ay magpa-cremate o magpasunog na lang kung ayaw magpabakuna. Ginagawa na raw lahat ng pamahalaan para mabakunahan ang mamamayan pero marami pa rin ang ayaw magpabakuna.

Noong Lunes, nagbanta na naman ang Presidente at sinabing ipaaaresto ang mga tatangging magpabakuna. Ang titigas daw kasi ng ulo. Sa inis ng Presidente nasabi na ang ipatuturok daw niya ay bakuna sa baboy. Sabi pa niya ipatutusok daw sa puwet. Huwag na raw hintayin pa na gumamit siya ng kamay na bakal.

Dapat pa bang magbanta o manakot ang Presidente sa mga ayaw magpabakuna? Nararapat siguro na bisitahin ng Presidente ang mga vaccination sites para makita niya kung gaano kahaba ang pila ng mga gustong magpabakuna. Kapag nakita niya kung gaano karami ang mga magpapabakuna ay baka bawiin niya ang mga sinabi. Maaaring nabibigyan ng maling inpormasyon ang Presidente ukol sa mga nagpapabakuna.

Sa Quezon City ay dagsa ang mga taong nagpapabakuna dahil sa maayos na pamamahala ni Mayor Joy Belmonte. Sa katunayan, pinuri ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang QC dahil sa dami ng COVID vaccines na naiturok sa mga residente na umabot sa 414,850 jabs. Ito ang pinakamataas sa National Capital Region (NCR). Noong Martes, umabot sa 37,234 doses ang naiturok sa QC sa loob lamang ng isang araw. Sumunod naman ang Maynila at Caloocan sa dami din ng mga nabakunahan.

Nagpapakita lamang ito na maraming tao ang gustong magpabakuna at hindi na sila kailangang takutin pa. Kung dati ay nangangamba ang mga tao, ngayon ay hindi na. Kusa nang dumadagsa na ang mga tao sa vaccination centers para magpabakuna. Nagbago na ang kanilang pananaw sa bakuna.

Mahihikayat pang lalo ang mga tao na magpabakuna kung magiging maayos ang sistema na gaya ng ginagawa sa QC na hindi na pinahihirapan pa ang mga residenteng magpapabakuna. Kapag ganito kaayos ang sistema, mabilis na maaabot ang herd immunity at mawawala na ang pandemya.

COVID-19 VACCINE
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with