_pang-masa
^

Punto Mo

Turuang mangarap

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NAGPAHAYAG ng matinding pagkabahala ang Commission on Population and Development sa taun-taong pagtaas sa kaso ng teenage pregnancy dito sa atin. Noong nakaraang taon, 70,755 na pamilya ay pinangungunahan ng mag-asawang menor de edad.  Pinangangambahang lumubo ang bilang sa 133,265 sa taong ito.  Sa palagay ko, mas higit pa rito ang totoong bilang.

Simula noong 2019, may average na pitong babae na may gulang lamang na 10 hanggang 14 taon ang nanganganak araw-araw. Biruin mo, dapat ay nag-aaral pa’t naglalaro ang mga batang ito ay magsisimula nang balikatin ang mabigat na responsibilidad ng pagiging magulang! Sa halip na maging pag-asa ng bayan na tulad ng sinabi ni Jose Rizal, ang mga kabataang ito’y magiging dalahin ng lipunan.

Sa isang survey na ginawa ng Social Weather Stations (SWS), mahigit sa kalahati ng mga Pili­pino ang naniniwala na ang teenage pregnancy ang pinakamalalang problema ngayon ng mga kaba­taang Pilipino. Bakit nga hindi?  Ang teenage pregnancy ay magbubunga ng sala-salabat na problemang panlipunan. Ang mga batang nabuntis at nagsilang ng sanggol ay maaaring tumigil sa pag-aaral,  dumanas ng pagtatakwil ng pamilya at panlalait ng kapitbahay, mabuyo sa prostitusyon o iba pang masamang gawain. Samantalang ang sanggol na isinilang ay mas malamang na hindi mapalaki nang maayos at sa gayon ay madaragdag sa dalahin ng lipunan. 

Itinuturo ng mga eksperto ang kawalan ng tamang sex education, kahirapan, masamang impluwensya ng mga kaibigan at media, wasak na tahanan, at maling value system bilang ilan sa mga dahilan kung bakit may mga kabataang nabubuntis nang wala sa panahon.

Paano mapipigilan ang paglobo ng teenage pregnancy? May mga suhestiyon ang mga eksperto.  Pero ako, may dalawa akong suhestiyon na huhugutin ko mula sa lente ng pananampalataya. Una, kailangang ipaunawa sa bawat bata na ang “sex” ay isang sagradong bagay. Para maiwasan ang pagbubuntis, kailangang maiwasan ang pakikipagtalik. At paano maiiwasan ang pakikipagtalik? Kailangang maipaunawa sa bawat bata na ang pakikipagtalik ay pinahihintulutan lamang gawin ng lalaki’t babaing ikinasal sa bisa ng batas ng Diyos at ng lipunan. Hindi madaling gawin, sapagkat ito’y isang tradisyunal na paninindigan sa loob ng “permissive society” na sobra ang pagpapahalaga sa “sexual freedom.”

Ikalawa, kailangang turuan ang bawat bata na pangarapin ang pangarap sa kanya ng Diyos. Hindi pangarap ng Diyos na may isang batang hindi mararanasan ang kagalakan ng paglalaro. Ang magandang pangarap ng Diyos sa bawat bata ay mababasa sa Jeremias 29:11, “Ako lamang ang nakaaalam ng mga panukalang inihahanda ko para sa ikabubuti ninyo, at para dulutan kayo ng pag-asa sa hinaharap.”

Walang kapangyarihang hihigit pa sa kapangyarihan ng pangarap. Wika nga ni Eleanor Roosevelt, “Ang bukas ay para lamang sa mga taong naniniwala sa kagandahan ng kanilang mga pangarap.”  Ang pangarap ang dahilan kung bakit magagawa nating disiplinahin ang ating sarili. Ang pangarap ang dahilan kung bakit tayo bumabangon sa umaga. Ang pulubi ay hindi ang taong walang pera, ang pulubi ay ang taong walang pangarap.

Malaki ang papel na gagampanan ng tahanan, iglesya at eskuwelahan sa pagtuturo sa mga kabataan na matutong mangarap. Hindi lamang basta kabataan ang pag-asa ng ating bayan.  Ang pag-asa ng ating bayan ay mga kabataang may pangarap.   

SOCIAL WEATHER STATIONS
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with