_pang-masa
^

Punto Mo

Pagkondena ng Kabataan partylist sa NPA

QUESEJODA - Butch M. Quejada - Pang-masa

KINUKONDENA ng Kabataan partylist ang aksyong militar ng NPA na humantong sa pagkamatay nina Kieth at Nolven Absalon sa Masbate. Nakikiramay muli ang Kabataan at nananawagan ng hustisya para sa namatay at sa pamilyang naiwan.

Sa kabila ng digmaang sibil sa bansa, hindi kailanman katanggap-tanggap na masawi ang mga ino­senteng sibilyan. Ito ay malinaw na paglabag sa Comprehensive Agreement for Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na parehong nilagdaan ng gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front.

Kinukundena ng Kabataan ang lahat ng atrocities at mga paglabag sa karapatang pantao at international humanitarian law. Marapat lamang na magkaroon ng malinaw na patakaran para matiyak ang hustisya at pananagutan dito. Dapat managot ang mga maysala sa pamamagitan ng pagpatupad ng Joint Monitoring Committee (JMC) ng CARHRIHL bilang awtoridad sa ganitong kaso.

Responsibilidad ng lahat na sangkot sa digmaang sibil na protektahan ang karapatang pantao ng mamamayang Pilipino at umamin sa pagkakasala. Sa pag-ako ng responsibilidad at pagpapahayag ng pagsisisi ng CPP-NPA, marapat ang buong imbestigasyon sa insi­dente at pagtugon sa complaint na ihahain sa harap ng JMC.

Ito ay trahedya na hindi dapat maulit pa, ngunit ang mas mala­king trahedya ay ang kawalang aksyon ng gobyerno na tugunan ang hindi maitatanggi at masaklap na katotohanan na mayroon pa rin sa ating mga kababayan ang pinipiling humawak ng armas upang ipagwagi ang mga karapatan nila. Huwag na sana gamitin ng mga militarista sa gobyerno ang trahedyang ito para bigyang katwiran ang kanilang band-aid solution sa porma ng madugong programang kontra-insurhensya sa gitna ng pan­demya at hara­ngan ang daan tungo sa makatarungang kapayapaan.

Panahon na upang balikan ng pamahalaan ang tinalikuran nitong usapang pangkapayapaan upang tugunan ang hindi matapos-tapos na armadong rebelyon sa bansa. Hangga’t nananatili ang katiwalian, pananamantala, at pandarahas ng mga nasa pusisyon ng kapangyarihan, at hangga’t hindi nireresolba ang mga ugat ng armadong tunggalian — kahirapan, pang-aabuso, inhustisya — ay hindi mawa­wakasan ang digmaan at ang mga trahedyang kaakibat nito. Ang pagkamit ng tunay na hustisya sa pagkamatay ng magpinsang Absalon ay nakasalalay din sa pagkamit ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa ating bayan nang ‘di na kailanganin ang pagtangan ng armas.

Hangad ng mga kabataan ang pagkamit ng hustisya at kapayapaan sa ating bansa!

NPA
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with