_pang-masa
^

Punto Mo

Kapag Diyos ang nakialam

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

HINDI lamang ang coronavirus ang dapat nating katakutan ngayon. Dapat din nating katakutan ang lumalalang virus ng maruming pulitika. Dalawa o tatlong taon mula ngayon ay maaaring nasugpo na ang coronavirus, ngunit malinaw ang mga palatandaan na ang maruming pulitika ay hindi masusugpo, kundi patuloy na mamamayagpag sa ating lipunan. 

Ang kasalukuyang pandemya ay maaaring magamit ng mga nasa poder upang manatili sa kapangyarihan o kaya’y mailuklok sa kapangyarihan ang mga taong kaalyado upang mapangalagaan ang kanilang kapakanan. Unti-unti, dumarating tayo sa nakababahalang yugto na ang laban kontra COVID-19 ay nagiging labang-pulitikal, sa halip na labang-pangkalusugan. Ito’y isang napakalaking banta para sa isang batang demokrasya na tulad natin.

Maaaring ang halalan 2022 ang maging “hindi pinakamalayang eleksyon” sa ating kasaysayan. Bakit? Maraming Pilipino ngayon ang alipin ng matinding takot at pangamba. Lalo pang dumami ang nawalan ng trabaho at hanapbuhay. Lalong lumobo ang bilang ng mga nagugutom at kumakalam ang sikmura. May kasabihan nga na, “The greatest ideology is the ideology of the stomach.” Tinatawag din itong “Politics of the Belly.”

Maaaring sa panahon ng halalan ay marami ang maging “negosyante,” sapagkat ibebenta nila ang kanilang boto doon sa highest bidder. Ang mga “negosyanteng” ito ang magpapanalo sa mga kandidato sapagkat marami sila. Kapag nagkaganito, ang darating na halalan ay magiging paramihan ng pera, sa halip na pagalingan ng kakayahan at programa. 

Mahalagang maging mapangmasid tayo sa mga kilos at deklarasyon ng mga pulitiko o mga partido pulitikal. Pag-isipan nating mabuti ang malaliman at matagalang implikasyon ng mga kaganapan ngayon sa larangan ng pulitika. Tanawin natin ang mga bagay-bagay hindi sa lente ng isang dilawan, o pulahan, o anumang kulay, kundi sa lente ng isang Pilipinong nagmamalasakit para sa kinabukasan ng Pilipinas.

Ang isang dapat masusing pag-aralan ay ang pag-eendorso ng PDP-Laban na si Presidente Duterte ay tumakbo bilang bise-presidente at siya ang pumili kung sino ang tatakbong presidente sa ilalim ng kanyang tiket. Maugong ang usap-usapan na ang pipiliin niya ay alin lamang sa dalawa: ang anak niyang si Sarah o ang kanyang loyalista na si Senator Bong Go. Kakaiba ito. Only in the Philippines! Ano ang mangyayari kung manalo nga ang tiket na ito? Sino ang talagang magpapatakbo sa gobyerno? Paano na kung sakaling ang nahalal na presidente ay magbitiw o maging incapacitated?

Napakahirap ng ating kalagayan, walang katiyakan kung tayo’y makababangon sa COVID-19 pandemic o tayo’y tuluyang mababaon, sapagkat tila ang mga pagkilos ngayon ay nakatuon na sa darating na eleksyon. Pwedeng ang maging pangunahing motibo ng mga nasa poder at gustong malagay sa poder ay ang makakuha ng “pogi points” kaysa totoong maka-score sa pakikipaglaban sa pandemya.

Para sa akin, manghahawakan pa rin ako sa kapangyarihan ng Diyos, tulad ng sinasabi sa Kawikaan 16:9, “Ang tao ang nagbabalak, ngunit si Yahweh ang nagpapatupad.” Ang Diyos pa rin ang magtatakda ng ating kinabukasan, hindi sinumang pulitiko o anumang partido pulitikal.  Hindi kayang hadlangan ng sinumang nasa poder ang kalooban ng Diyos. Hindi maipaplano ng pinakamagaling mang pulitiko ang gagawing pakikialam ng Diyos sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang dalangin ko, nawa’y makialam ang Diyos. Ngayon na! At kapag ang Diyos ang nakialam, tapos ang laban!

GOD
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with