_pang-masa
^

Punto Mo

Pagkatagpo sa kahulugan ng buhay

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

PINALAGANAP ng psychiatrist na si Viktor Frankl ang konsepto ng logotherapy na nagsasabing ang pangunahin at pinakamakapangyarihang puwersang nagtutulak sa tao upang mabuhay ay ang paghahanap sa kahulugan ng buhay. Kapag malinaw sa isang tao ang sagot sa bakit, masasagot na niya ang lahat ng tanong na paano.

Makakayang harapin ng sinumang tao ang pinakamabigat mang suffering o pagdurusa kapag natagpuan na niya ang kahulugan ng kanyang pagdurusa. Ang suffering ay nagiging sacrifice kapag malinaw na sa isang tao ang kahulugan nito. Ang suffering ay pilit na iniiwasan ng tao, sapagkat ang dala-dala nito’y kahungkagan ng buhay. Ang sacrifice ay kusang ipinagkakaloob ng isang tao sapagkat ang dala-dala nito’y kahulugan ng buhay.

Halimbawa: masayang nakapaglilingkod ang isang doktor o nars sa harap ng panganib ng COVID-19 kapag itinuring niya ang kanyang ginagawa na isang sacrifice, sa halip na suffering. Ito ang dahilan kung bakit itinuturing natin silang mga makabagong bayani, sapagkat ang iniaalay ng isang bayani ay sacrifice at hindi suffering.

Dahil sa COVID-19 pandemic, dumami sa buong mundo ang kaso ng problema sa kaisipan na tulad ng depression. Kasama na rito ang Pilipinas. Marami ang tuliro at nawawalan ng pag-asa. Marami ang pinaghaharian ng takot at pagkabalisa. Marami ang nangangailangan ng kagalingan, hindi lamang ng pisikal na katawan, kundi maging ng kaisipan, emosyon at espiritu.

Ayon kay Frankl, may tatlong paraan kung paano matutuklasan ang kahulugan ng buhay.  Una, sa pamamagitan ng paggawa ng isang bagay.  Ikalawa, sa pamamagitan ng pagkaranas sa isang bagay o pagkatagpo sa isang tao. Ikatlo, sa pamamagitan ng tamang pagtingin sa hindi maiiwasang suffering.

Dahil sa pandemya, marami ang naging plantita at plantito. Mga halaman ang naging gamot nila laban sa depression. Maraming tinamaan ng COVID-19 ang nagkaroon ng higit na malalim at makahulugang pananaw sa buhay. Ang virus ang umayos sa kanilang pagkatao. Maraming dumanas ng matinding karamdaman at kahirapan ang naging malapit sa Diyos. Ang pandemya ang nagpainit sa kanilang kaluluwa. Maraming dating magkakalayo sa pamilya ang nagkalapit-lapit. Ang quarantine ay naging tagapagbuo ng pamilya. Marami ang napagtagumpayan ang takot dahil sa pagkakaroon ng tamang pananaw tungkol sa suffering. Ang takot mismo ang nag-alis sa kanilang takot. Tama si Franklin Roosevelt, “Walang dapat katakutan kundi ang takot mismo.”

Bukod sa pandemya, marami tayong pinagdaraanang sufferings bilang isang bansa: malawakang katiwalian, kawalan ng epektibong liderato, malaganap na kahirapan at kriminalidad, pang-aabuso sa katungkulan ng mga nasa kapangyarihan, at kawalang-disiplina ng maraming Pilipino.

Bilang mga Pilipino, mahalagang maunawaan natin ang kahulugan ng ating sufferings. Bakit tayo nangungulelet na sa Southeast Asia sa punto ng kaunlaran at kaayusan? Bakit hindi matigil-tigil ang katiwalian? Bakit kayang-kaya tayong takutin ng China? Bakit hindi tayo makaahun-ahon sa pandemya? Bakit patuloy na nailuluklok sa kapangyarihan ang mga tiwali at di-karapat-dapat? Bakit hindi tayo natututo sa ating mga pagkakamali?

Maraming bakit. Ngunit tulad ng paliwanag ng logotherapy, kapag naunawaan natin ang mga bakit, malalaman na natin ang paano. Hindi layunin ng Diyos na tayo’y maghirap at maging hungkag ang ating buhay. Ang layunin ng Diyos, batay sa sinabi ni Hesus sa Juan 10:10, ay magkaroon tayo ng isang buhay na ganap at kasiya-siya, isang buhay na makahulugan at masagana. 

LIFE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with