_pang-masa
^

Punto Mo

Mabuting itinuro ng COVID-19 pandemic

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

KUNG may isa mang mabuting bagay na naidulot ang COVID-19 pandemic, ito’y ang pagkatuklas natin kung sino sa ating mga inihalal mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababang puwesto sa gobyerno ang tunay na karapat-dapat. Tinuruan din tayo ng pandemya kung ano ang mga kuwalipikasyon ng mga kandidatong dapat nating ibinoboto.

Sa tuwing may darating na eleksiyon, maraming grupong naglulunsad ng voter’s education program. Nakalulungkot na tila hindi epektibo ang mga programa sapagkat napakarami pa ring nahahalal na mga kandidatong hindi karapat-dapat.  Umaasa tayo na ang hindi naisakatuparan ng mga nakaraang voter’s education program ay maisasakatuparan ng mga natutuhan natin mula sa pandemya.

Ating natutuhan na kailangan natin ang lider na hindi lamang matalas ang kaisipan, kundi malakas ang pangangatawan. Sa panahon ng krisis, ang lider ay dapat laging nasa gitna ng aksyon, hindi puwedeng tutulug-tulog at hindi mahagilap dahil kailangang magpahinga sanhi ng mahina at sakiting pangangatawan. Makapangyarihang puwersa ang presensiya ng lider sa panahon ng kagipitan.  Siya ang dapat magbigay ng inspirasyon sa mga tao sa panahon ng pagkatakot at pag-aalinlangan. Ang kanyang salita’y dapat nakapagpapalakas ng loob sa halip na lumilikha ng takot.

Tungkol sa matalas na kaisipan, kailangan natin ang lider na malikhain at maparaan, alam kung paano gagamitin at pakikinabangan ang mga resources na naririyan na.  Ang pangungu­tang ang huli niyang gagawin, sapagkat alam niyang mabigat dalhin ang utang dahil kailangan itong bayaran sa takdang panahon. Magaling siya sa komunikasyon. Hindi siya nagmumura, pero napapakilos niya ang lahat.  Hindi siya sumisigaw, pero nakukuha niya ang atensiyon ng lahat.

Isang taon na lamang ay eleksyon na, isa sa pinakakritikal na eleksyon kung saan ang nakataya ay ang ating survival bilang isang bansa. Ang uri ng mga kandidatong ating iboboto ang magdidikta kung tayo’y makababangon o lalo pang mababaon. 

Dahil sa pandemya, iba na marahil ang magiging pamamaraan ng kampanya. Hindi na puwede ang gaya ng dati. Mas magiging personal ang approach. Sa halip na TV at radio, social media ang magiging pangunahing tagapagbalita tungkol sa kandidato.  Kaya pagalingan ito sa paggamit ng social media. May bentahe ang kandidatong talagang may malaking nagawa sa panahon ng pandemya.

Hindi pa kaagad matatapos ang pandemya.  Sa panahon ng eleksyon sa Mayo 2022, malaki pa rin natin itong problema at maaaring may iba pang malaking problema ang ating kakaharapin bilang isang bansa na tulad ng tunggalian natin sa China dahil sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Anuman ang maging sitwasyon natin sa isang taon, isang bagay ang tiyak — ang ating balota ang bakunang pipigil sa pagkalat ng mga lider na tiwali at hindi karapat-dapat. Napakalaking responsibilidad nito at pananagutan.  Hindi kasalanan ng mga kandidatong tiwali at karapat-dapat kung sila’y maluluklok sa kapangyarihan. Kasalanan ito ng mga botanteng hindi na natuto.

Kapag hindi pa tayo natuto sa mga aral ng COVID-19 pandemic, wala ng paraan para tayo’y matuto pa.  Wika nga ni Thomas Jefferson, “The government you elect is the government you deserve.” Kung ang ibinoboto natin ay mga tiwali, karapat-dapat tayo sa mga tiwali.  Walang ibang dapat sisihin kundi tayo mismo.

Sana nga ay naturuan tayong mabuti ng COVID-19 pandemic para sa kabutihan ng susunod na henerasyon!

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with