_pang-masa
^

Punto Mo

Presidenteng ‘nakapupuwing’ at may pusong David

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

AYON sa ating Konstitusyon, ang Presidente ang Commander in Chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang pangunahing tungkulin ay pangalagaan ang sobereniya ng Pilipinas laban sa pananakop at panghihimasok ng ibang bansa.  Sa punto ng ating kasaysayan ngayon, ang Commander in Chief ng ating AFP ay si Presidente Duterte at ang bansang nanghihimasok ay ang China.

Humanga tayo sa katapangan ng Philippine Coast Guard nang ipag-utos nito sa ilang Chinese boats na nakaangkla sa Sabina Shoal sa kanluran ng Palawan na ipakilala ang kanilang sarili, sapagkat sila’y pumasok sa nasasakupan ng Philippine exclusive economic zone. Laking gulat ng mga dayuhang barko kaya’t sila’y nagpulasan! Ito ang unang pagkakataon sa ilalim ng administrasyon ni Duterte na naitaboy ang mga Chinese boats na pumasok sa teritoryo ng Pilipinas.

Ang unang dapat sumaludo sa ipinakitang kabayanihan ng Coast Guard ay ang ating Commander Chief. Pero kabaliktaran ang nangyari. Ilang araw pagkaraan ng insidenteng ito, nagpalabas si Duterte ng isang napakalungkot at nakaaalarmang pahayag na ang 2016 Arbitral Award na naipanalo ng Pilipinas laban sa China na umaangkin sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea ay isa lamang basurang-papel na kung ibibigay sa kanya’y itatapon niya sa basurahan.

Basurang-papel lamang ang turing ni Duterte sa ruling ng Arbitral Court na kumikilala sa sovereign rights ng Pilipinas sa mga teritoryo sa West Philippine Sea at nagpapawalang-saysay sa nine-dash-line claim ng China na umaangkin sa halos buong West Philippine Sea. Hindi kinikilala ng China ang ruling na ito, sa kabila ng pagbatikos ng ilang mga bansa na katulad ng United Kingdom, Germany, Australia, Japan at European Union.

Ang pinakahuling pahayag ni Duterte ay karagdagan sa mga nauna na niyang pag-amin na siya’y inutil kapag ang usapan ay ang pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea at hindi siya handa at walang balak na makipaggiyera sa China. 

Ano kaya ang naramdaman ng mga miyembro ng Coast Guard pagkatapos ng pahayag na ito ng kanilang Commander in Chief? Ako, ang naramdaman ko’y matinding pagkasiphayo. Sobra akong naawa sa Pilipinas na parang tupang walang pastol na tulad ng sinabi ni Hesus sa Mateo 9:36. Naitanong ko sa aking sarili, nasaan ang Duterte na noong panahon ng kampanya ay pinahanga tayong lahat sa matapang niyang deklarasyon na sasakay siya sa jet ski papuntang Spratlys upang itanim ang bandila ng Pilipinas at sasabihin niya sa mga Chinese, “Amin ito, gawin n’yo na ang gusto ninyong gawin sa akin?”

Gusto ko bang makipaggiyera tayo sa China? Siyempre hindi!  Ang gusto ko’y maipakita natin sa China na tayong mga Pilipino ay marunong magmahal sa ating bansa, na ipagtatanggol natin hanggang kamatayan ang kahit isang pulgada ng lupa na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos, na hindi tayo papayag na ang ipakikita natin sa harap ng pangbu-bully ng ibang bansa ay ang deklarasyon natin ng pagkatakot sa kanilang kalakhan.

Oo, maliit lamang tayong bansa kumpara sa higanteng China, ngunit may kasabihan ang ating mga ninuno na “walang malaking nakapupuwing.” Sa Bibliya, ang isang higanteng Goliath ay tinalo ng isang musmos na David.  Ang gusto kong makita’y isang Presidenteng “nakapupuwing” at may puso ng isang David.

CHINA
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with