_pang-masa
^
EDITORYAL - Iginigiit pa rin ang Cha-cha

EDITORYAL - Iginigiit pa rin ang Cha-cha

(Pang-masa) - May 10, 2021 - 12:00am

SA gitna ng pandemya, ipinagpipilitan ang Charter change (Cha-cha). Sa pagbabalik ng session ng Kongreso sa Mayo 17, ang pagtalakay sa economic amendments ng 1987 Constitution ang prayoridad ng mga mambabatas. Sabi ni Albay Rep. Joey Salceda, pawang economic provisions ang tatalakayin at wala raw halong pulitika. Naniniwala si Salceda na ang pagpapalit sa economic provisions ay makatutulong para mahikayat ang foreign envestments at nang makabangon ang bansa sa pagkalugmok. Ginawa niyang halimbawa ang economic reform ng Vietnam na nalampasan na ang Pilipinas. Binuksan na umano ang ekonomiya ng Vietnam sa mundo pero ang Pilipinas ay hindi pa. Umaapela si Salceda sa mga mambabatas na suportahan ang Cha-cha.

Dapat bang unahin ang Cha-cha ngayong may pandemya? Sa kasalukuyan, mataas pa ang kaso ng COVID-19. Halos araw-araw ay mataas ang bilang ng mga nagkaka-infection. Kinatatakutan ngayon ang pagdami ng COVID variant. Hindi pa nasisimulan ang mass vaccination na ayon kay vaccine czar Carlito Galvez ay maaaring sa Setyembre pa masimulan. Sa kasalukuyan pawang health frontliners, senior citizens, pulis at mga guro pa lamang ang nababakunahan.

Maraming problemang sumusulpot sa bansa. Tumataas ang bilihin, gaya ng karne ng baboy, kawalan ng trabaho dahil sa pandemya, pagkagutom at ang isyu sa West Philippine Sea kung saan, naglipana ang Chinese vessels sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa. Patuloy din ang pagtaas ng gasolina at ang panggugulo ng BIFF sa Mindanao.

Sa gitna ng mga problemang ito na nakasakmal sa bansa, ang pag-amyenda sa Constitution ang pinagtutuunan ng pansin ang mga mambabatas. Sa halip na ang unahin ay mga solusyon kung paano makokontrol ang virus, ang Cha-cha ang kanilang pinagkakaabalahan.

Dapat ba itong gawin habang sa kasalukuyan ay nagdaranas nang matinding hirap ang mamamayan. Umabot sa apat na milyon ang walang trabaho dahil sa pandemya. Maraming nagugutom. Katibayan ng pagkagutom ang pagdagsa sa community pantry ng mamamayan.

Hindi napapanahon ang pag-amyenda sapagkat ang bansa ay maraming problema. Pagdududahan ang pag-amyenda sapagkat maaring magsingit ang mambabatas ng provisions na magpapapalawig sa kanilang termino. Hindi dapat maging prayoridad ang Cha-cha.

CHA-CHA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with