Kakaibiang Eba (66)

NAGULAT si Manong Berto nang makarinig ng tila ungol mula sa pinakaloob ng punong balete.

Tila tunog ng hand drill habang may binubutas sa pader. Una muna ay mahi­na ang ungol hanggang sa maging sunud-sunod na at palakas nang palakas.

Ganunman, hindi nasi­raan ng loob si Manong Berto at ipinagpatuoy ang pagbudbod sa paligid ng punong balete. Malapit na niyang matapos ang pagbudbod, Hu-ling dakot na niyang asin.

Eksaktong naibudbod   niya ang huling dakot ng asin nang biglang nayugyog ang punong balete. Sa lakas nang pagyugyog ay nalagas ang mga dahon. Naglaglagan ang mga dahon hanggang sa matakpan ang paligid.

Nagmamadaling lumayo si Manong Berto sa puno. Natandaan niya ang paalala ng kanyang Lolo Kandoy na kapag nayugyog ang puno, dapat lumayo ng mga sampung metro o higit pa. Nayuyugyog ang puno dahil nagwawala ang engkantong naninirahan. Galit na galit ito dahil hindi na makalabas sa puno sapagkat napapaligiran ng asin. Numero unong kalaban ng engkanto ang asin. Walang bisa ang kanilang kapangyarihan sa asin na dinasalan o inorasyunan.

Habang pinagmamasdan  ni Manong Berto ang nalalagas na balete, nilapitan siya ng isang guard at tinanong kung ano ang pinagmamasdan sa balete.

“Manong anong pinag-mamasdan mo diyan?’’

“Ha? A e wala may hinihintay lang akong kasama.’’

“Mag-ingat ka Manong dahil marami nang naliligaw dito. Hindi malaman ang daan. Paikut-ikot lang sila diyan sa may balete na yan.’’

Hanggang sa magulat ang guard nang makita ang balete.

“Bakit naubos ang dahon? Kanina lang ay mara-ming dahon ang balete.’’

‘‘Parang namamatay ang balete ano?’’

“Oo nga Manong.’’

“Marami ba talagang naliligaw dito?’’

“Marami Manong. Pati ako.’’

“Ganun ba? Siguro mula ngayon wala nang maliligaw dito.’’

(Itutuloy)

Show comments