J&T Express hindi na nagkaroon ng leksiyon!

SA kauna-unahang pagkakataon, nakita ko kung paano mabuwisit at magalit si Quezon City Mayor Joy Belmonte.

Nitong nakaraang linggo, ipinatawag ni Mayor Belmonte ang pamunuan ng J&T Express Quezon City Branch para harapin at sagutin ang reklamo laban sa kanila.

Subalit sadya yata ang kabastusan ng kompanyang ito dahil mga kupalin at uhuging staff lamang ang pinaharap kay Mayor at mga empleyadong nagrereklamo.

Ikinapanting ng taynga at ikinainit ng ulo ni Mayor ang palagiang sagot ng mga representante na “ipararating po namin sa itaas.”

Hindi umubra ang estilong “delaying tactics” n’yo J&T. Entonces, kinagalitan tuloy nang husto ang mga ipinalapa n’yong mga representante.

Seryoso ang Quezon City Hall na solusyunan ang reklamo ng 65 riders ng J&T Express Quezon City Branch.

Nandoon ang mismong QC mayor, ang Department of Labor and Employment (DOLE) officer, and Business Permit and Licensing Office at maging City Legal Department.

Pero kayo J&T Express, binastardo n’yo ang pagkakataong ibinigay sa inyo ng awtoridad para ayusin ang reklamong ito. Sangkaterba kayong mga kolokoy!

Malinaw ang ultimatum  ni Mayor Belmonte sa inyo J&T Express, ayusin ang reklamo ng inyong mga empleyado kung hindi ay tatanggalan kayo ng lisensiyang makapagnegosyo sa Quezon City.

Ang lahat ng nagrereklamo ay nakatanggap ng food packs mula sa Quezon City Hall. 

Kalahati sa mga nagrereklamo ay nagdesisyong hindi na bumalik sa J&T Express. Tutulungan sila ng Quezon City Hall na makahanap ng bagong trabaho. Habang ang kalahati naman ay handang bumalik sa trabaho kaya aalalayan sila ng City Legal Department at DOLE ng Quezon City.

Sa inyo J&T Express, hindi na kayo nagtanda at nagkaroon ng leksiyon sa ginawa ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian, sinundan n’yo pa ngayon ng galit ni Quezon City Mayor Joy Belmonte… anong branch ang susunod?

Nakahanda na ang mga lokal na pamahalaan at tanggapan ng mga mayor sa Metro Manila o kahit saang probinsiya pa. 

Show comments