_pang-masa
^

Punto Mo

Sino ang tunay na hero?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

UMANI ng katakut-takot na batikos ang ipinahayag ni Presidente Duterte na si Health Secretary Francisco Duque III ang maituturing na “hero” sa laban ng gobyerno sa COVID-19 pandemic. Nagmula ang pinakamalakas na batikos sa Senado na ilang beses nang nag-imbestiga kay Duque dahil sa anomalya sa Health Department at Philippine Health Insurance Corporation. Nakakatawa, ngunit punumpuno ng kahulugan, ang biro ni Senator Panfilo Lacson na ang gusto sigurong sabihin ng Presidente ay “hilo,” kaysa “hero.”

Kabilang ang mga health workers sa iba’t ibang sektor na nananawagan sa pagbibitiw ni Duque dahil sa sinasabing mga “kapalpakan” nito, ngunit matigas ang kanyang paninindigan na, “he serves at the pleasure of the President.” Hindi siya magbibitiw, hangga’t nasisiyahan sa kanya ang Presidente. Tila siyang-siya nga ang Presidente sa kanyang paglilingkod at ang pinakahuling katibayan nito ay ang pagtawag sa kanya ng Presidente na “hero,” sa kabila ng katotohanang ang Pilipinas ang nangungulelat sa buong Southeast Asia sa epektibong paglaban sa pandemya.

Ayon sa dictionary, ang hero ay isang taong lubos na hinahangaan o iniidolo dahil sa kanyang walang katulad na katapangan, kahanga-hangang mga nagawa para sa bayan, at napakataas na uri ng pagkatao. Para kay Duterte, iyan si Duque. Opinyon ito ng Presidente at tila wala nang makapagbabago sa opinyong ito, sapagkat parang naisulat na sa tapyas ng bato.

Gusto ko na lamang parangalan ang sa tingin ko’y mga tunay na “heroes” sa panahong ito ng pandemya.  Sila’y tao, o mga tao, o grupo ng mga tao na walang pangalan at maaaring ni hindi nababanggit sa traditional o social media, ngunit tahimik na gumagawa alang-alang sa iba. Wala silang anumang makasariling motibo, walang isinusulong na political o economic interests. Ang tanging nagpapakilos sa kanila’y habag at pag-ibig sa kapwang nangangailangan.

Wala silang ambisyong matanyag. Hindi man marahil nila nalalaman, ngunit nasusunod nila ang utos ni Hesus na nasulat sa Mateo 6:3, “Ngunit kung naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito kahit sa iyong pinakamatalik na kaibigan upang malihim ang iyong paglilimos. At gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.” Kaya’t ang mga tunay na “heroes” ay hindi mga “epal.”

Ang mga tunay na “heroes” ay ang mga doktor, narses, at iba pang health workers na inilalagay sa panganib ang buhay dahil sa tawag ng paglilingkod at hindi dahil sa amuki ng pera. Ang mga tunay na “heroes” ay ang mga rank-and-file sa serbisyo publiko at maging sa hanay ng kapulisan na ipinagpapaliban maging ang araw ng pamamahinga para lamang makapaglingkod.  Ang mga tunay na “heroes” ay ang mga negosyante at kanilang mga empleyado na ang higit na nakapangibabaw sa panahon ng pandemya ay hindi ang pakinabang kundi ang kagustuhang maiparating sa mga tao ang mga produktong kailangan o “essential.” Ang mga tunay na “heroes” ay ang mga karaniwang mamamayan na hindi naging maramot na ibahagi sa iba ang para sa kanila, katulad ng mga sumusuporta sa mga community pantries at iba pang makataong proyekto.

Sa panahon ng pandemya, hindi maaaring iisang “hero” lamang ang ating itinataas at pinararangalan. Bawat Pilipino ay kailangang maging “hero.” Kung hindi, magiging “hilo” tayong lahat bilang isang bansa at matatapon sa kangkungan ng kasaysayan.

COVID-19 FRANCISCO DUQUE III
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with