Dedikasyon sa trabaho

MAY nagrarasyon ng diyaryo sa amin araw-araw. Siya lang ang nag-iisang taga-rasyon sa aming lugar. Pero may napansin ako sa attitude ng magdidiyaryong ito. Wala siyang “sense of commitment” sa kanyang mga suki na bumubuhay sa kanyang negosyo.

Problemado kami sa diyaryo lalo na kapag Linggo at holiday. Kung hindi absent sa pagrarasyon ay tanghali na siyang dumating, alas-nuwebe o tanghali pa kung kailan narinig na namin at napanood sa telebisyon ang nilalaman ng mga diyaryo sa araw na iyon.

May kakilala akong kagaya rin niya na nagrarasyon din ng diyaryo sa bahay-bahay. Ang taong ito ay may newsstand pang inaasikaso pagkatapos ng pagrarasyon pero naidedeliber niya ang mga diyaryo sa mga suki nang “mainit-init” pa. Pinakatanghali na niyang pagrarasyon ay alas-sais ng umaga.

Itong aming taga-rasyon ay walang newsstand na inaasikaso pero bakit kaya hindi niya magawang makapagdeliber ng diyaryo nang mas maaga. “Kaning-lamig” na ang mga balita sa diyaryo pagbasa namin dahil napanood na namin ang mga ito sa pang-umagang programa sa telebisyon.

Ang ginagawa tuloy ng ibang suki ay hindi na siya hinihintay na dumating at bumibili na lang ng diyaryo sa labas ng subdibisyon dahil siyempre ang balita ay parang pagkain, masarap basahin nang “mainit-init” pa.

Minsa’y nasabi ng magdidiyaryong ito na kaytagal na niya sa hanapbuhay na iyon pero parang hindi umaasenso ang kanyang buhay. Ang hirap daw ng walang pinag-aralan. Palibhasa’y hindi ako ang kausap kaya hindi ko masabi ang nasasaloob ko: “Nasa attitude iyan, wala sa pinag-aralan!”

“We all have dreams. But in order to make dreams come into reality, it takes an awful lot of determination, dedication, self-discipline, and effort.” – Jesse Owens   

Show comments