_pang-masa
^
EDITORYAL - Ibangon ang imahe ng PNP

EDITORYAL - Ibangon ang imahe ng PNP

(Pang-masa) - May 7, 2021 - 12:00am

NGAYONG araw na ito isasalin kay Lt. Gen. Guillermo Eleazar ang pamumuno sa 200,000 miyembro ng Philippine National Police (PNP). Siya ang papalit sa magreretirong si PNP chief General Debold Sinas na ipagdiriwang ang kaarawan bukas. Inaasahan na ilalahad ngayon ni Eleazar ang kanyang mga plano para sa pambansang pulisya na pamumunuan niya sa loob ng anim na buwan. Nakatakda siyang magretiro sa Nobyembre.

Matagal nang bulung-bulungan na si Eleazar ang susunod na PNP chief kaya marami ang nag-aabang sa anunsiyo ng Malacañang. Hanggang sa ihayag nga ni Interior Sec. Eduardo Ano noong Miyerkules na nilagdaan na ni President Duterte ang appointment ni Eleazar. Bumaha agad ang mga bumati kay Eleazar sa pamamagitan ng social media. Nagpasalamat si Eleazar sa mga nagpaabot ng pagbati at sinabing susuklian niya ito nang mabuting paglilingkod. Hindi niya bibiguin ang mga umaasa sa kanya.

Naniniwala kami na maraming magagawa si Eleazar para maibangon ang imahe ng PNP. Maraming pulis ang sangkot sa masasamang gawain – protector ng illegal na droga, illegal na sugal, kidnapper, hulidaper, kotongero, drug user at marami pang illegal na aktibidad. Maraming abusado sa katungkulan na laging ipinagyayabang ang nakasukbit na baril. Mga makakati ang daliri sa gatilyo at walang awang umuutang ng buhay gaya ng isang pulis sa Tarlac na binaril nang malapitan ang mag-ina.

Ang ugaling ito ng mga pulis ang dahilan kaya bagsak ang imahe ng PNP. Bagama’t may mga mabubuting pulis, mas marami ang gumagawa ng palso kaya naman natatakot ang mamamayan. Makita lamang ang asul na uniporme ng pulis, kinatatakutan na. Sa halip na lapitan para hingian ng tulong ay nilalayuan.

Umaasa kami na magagampanan ni Eleazar nang buong husay ang tungkulin. Makakaya niyang linisin ang PNP para maibangon ang nadungisang imahe. Kapag nagawa niya, siya na ang pinakamahusay na PNP chief sa kasaysayan.

PHILIPPINE NATIONAL POLICE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with