_pang-masa
^

Punto Mo

Huwag magpakontrol sa coronavirus

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MINSAN, sinabi ng mangangaral na si Charles Swindoll, “Kumbinsido ako na ang buhay ay 10 porsiyento lamang ng mga kaganapan at 90 porsiyento kung paano ako naaapektuhan ng mga kaganapang ito.” Ibig sabihin, ang problema ay hindi ang problema mismo. Ang problema’y kung paano hinuhubog ng problema ang ating pag-uugali at ang kabuuan ng ating pagkatao.

Maraming eksperto ang nagsasabi na sa pangkalahatan, babaguhin ng COVID-19 ang pag-uugali ng sangkatauhan. Ang mga ito’y hindi magandang mga pagbabago.

Una, lalong lalala ang “culture of individualism” na nagpapahalaga sa kapakanan at tagumpay ng sarili kaysa kapakanan at tagumpay ng nakararami. Ang mahalaga sa tao’y ang matugunan niya ang sariling pangangailangan at wala na siyang pakialam sa pangangailangan ng iba. Ang kulturang ito’y pinatingkad ng mga karanasan ng tao sa lockdown na nagkulong sa kanya sa sariling tahanan at nagtakda ng distansiya sa iba.

Ikalawa, lalong titindi ang “dehumanizing effect” ng technology,” kung saan ang tao’y bihasa sa pagharap sa computer, ngunit asiwa sa pagharap sa kapwa.  Ang kasalukuyang “online learning” ay lilikha ng bagong henerasyon na hindi na marunong makipag-usap nang harapan, ni ngumiti man lamang o makipaglaro sa kapwa. Lalong mapapamahal ang tao sa mga gadgets kaysa kanyang kapwa-tao.

Ikatlo, lalong lulubha ang “scarcity mentality” ng tao. Sapagkat limitado ang mga resources ay kailangang mag-imbak para sa kinabukasan. Ang ‘hoarding” ay magiging karaniwan na sa panahon ng kagipitan. Ang magiging kalakaran ay “kanya-kanya,” kaysa “tayo-tayo.” Kasabay nito ang lalong pagtindi ng “anxiety” at “depression.” Ang tao’y pangingibabawan ng espiritu ng takot at pangamba.

Nakakulong ba tayong lahat sa mga hindi magandang pagbabagong ito?  Ang sagot ay hindi. Kung tatanawin natin ang COVID-19 pandemic sa mata ng pananampalataya, ang magaganap sa atin ay ang mga sumusunod na magandang pagbabago…

Una, tataas ang espiritwalidad ng tao.  Ang pangunahing manipestasyon nito’y ang pagsandig ng tao sa Diyos.  Lubos na napag-unawa ng tao na hindi niya hawak ang kanyang kasalukuyan at lalo namang hindi niya maaaring siguruhin ang kinabukasan. Anumang oras ay maaaring dumating ang kamatayan. Wala siyang ibang maaasahan kundi ang Diyos, kung kaya’t kinakailangan siyang maging laging malapit sa Diyos.

Ikalawa, hihina ang gayuma ng materyalismo dahil sa mga personal na karanasan na nagpapatunay na totoo pala ang sinabi ni Hesus na ang buhay ng tao’y wala sa dami ng kanyang kayamanan.  Napatunayan ng tao na ang mga bagay na materyal ay palamuti lamang at hindi ang mga ito ang tunay na makapagpapaligaya sa kanya. Sa panahon ng kagipitan, lubos na naglalaho ang  kahalagahan ng mga bagay na materyal.

Ikatlo, mapag-uunawa ng tao na habang siya’y nabubuhay dito sa lupa na pansamantala niyang tahanan ay dapat siyang laging tumatanaw sa langit na panghabang panahon niyang tahanan.  Maikli ang buhay kung kaya’t dapat na dito pa lamang sa lupa’y nararanasan na niya ang gloria ng langit na siyang ibinubunga ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa.  

Maganda o hindi magandang pagbabago? Nasa iyo ang kapangyarihan ng pamimili. Tandaan, hindi mo nga kontrolado ang COVID-19, pero kontrolado mo kung paano ka maaapektuhan nito.   

Huwag magpakontrol sa virus. Sa halip, magpakontrol sa Diyos!

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with