^
EDITORYAL - Huwag pakialaman

EDITORYAL - Huwag pakialaman

(Pang-masa) - April 22, 2021 - 12:00am

MABUTI at ang Malacanang na ang nagsabi na hindi dapat pakialaman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mga nagsulputang community pantries sa bansa. Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na suportado ng Malacanang ang inilabas na pahayag ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nagpapatigil sa Philippine National Police na pakikialam sa community pantries. Ayon kay Roque hindi dapat pigilin ang layunin ng mga community pantry na isulong ang bayanihan para makatulong sa mga nangangailangan.

Ang pag-akto ng Malacanang ay kasunod nang ginawang red-tagging ng Quezon City Police District (QCPD) sa itinayong community pantry sa Maginhawa St. Quezon City. Ayon sa report, ilang pulis ang lumapit sa organizer ng pantry na si Patricia Non at tinanong ang cell phone number at kung anong grupo ito kabilang. Dahil sa ginawang profiling ng mga pulis, itinigil ang pantry noong Martes. Nangamba si Patricia sa ginawang profiling.

Agad namang nagpahayag si Quezon City Mayor Joy Belmonte na suportado niya ang organizer ng pantry sa Maginhawa at nangako siya rito at sa mga benepisyaryo na magiging ligtas ang mga ito. Kahapon, muling binuksan ang community pantry at marami na naman ang pumila para makakuha ng pangangailangan. Dumagsa ang mga nagbigay ng tulong – bigas, gulay, sardinas, vitamins, face mask at mayroon pang isang lalaki na namudmod ng P50 sa mga nakapila.

Malaya nang makapagse-setup ng community pantry sa maraming lugar para marami pa ang matulu-ngang kababayan. Hindi na mangangambang guluhin ng mga pulis at sundalo ang mga organizer na ang tanging adbokasiya ay makatulong sa mga naghihikahos. Mula nang tumama ang pandemya noong nakaraang taon, apat na milyong Pinoy ang nawalan ng trabaho at problema ang kakainin. Hindi naman sapat ang ayuda ng pamahalaan.

Mabuti ang hangarin ng nagsimula ng pantry – ang makatulong sa mga walang-wala at kumakalam ang sikmura. Maliwanag na hindi na kailangang kuwestiyunin ang pagtulong sa kapwa.

MALACAñANG
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with