^

Taong walang kuwenta

DIKLAP - Annabelle O. Buenviaje (Pang-masa) - April 20, 2021 - 12:00am

SA loob ng jeep biyaheng Quiapo. Wala pang pandemya noon kaya magkakadikit ang mga pasahero. Kapag nagkukuwentuhan ang katabi mo, malinaw mong maririnig ang kuwentuhan ng mga katabi mo. Dalawang lalaki ang nagkukuwentuhan sa aking tabi.

“Kumusta na ‘yung pamangkin mo. Sa iyo pa rin nakatira?”

“Hindi na. Umalis na sa poder ko.”

“Bakit?”

“May napatay na tambay doon sa lugar namin. Tumakas. Nagtago.”

“Hindi mo pinayuhang sumuko sa mga pulis?”

Umiling saka sumagot.

“Bakit pa? Tutal patapon na naman ang buhay ng kanyang napatay. Walang ginawa kundi manggulo doon sa aming lugar. Kung tutuusin ay pinasaya pa niya ang mga tagaroon sa amin. Nabawasan ng isang tarantado sa aming lugar.”

Matagal nang nakababa ang dalawang lalaki pero naglalaro pa rin sa isipan ko ang pinag-usapan ng dalawang lalaki. “Okey lang hindi makatanggap ng hustisya ‘yung pinatay ng kanyang pamangkin dahil patapon na ang buhay nito.”

Hindi ba niya alam na kahit ang mga daga ay may katuturan ang buhay dito sa mundo? Dahil sa mga daga, maraming tao ang nagkakaroon ng trabaho. Ilang tao ang nagkaroon ng trabaho sa pabrika ng mouse trap, at sa pabrika ng lason sa daga?

Kung may importansiya ang existence ng daga at iba pang insekto, ang existence pa kaya ng tao ang mawawalan ng kuwenta?

Ngayong nagtatago ang pamangkin sa batas, maiisip niya kung gaano kahalaga ang buhay na malaya at walang tinatakasang pananagutan. Kahit pa sa kanyang opinyon ay walang kuwenta ang buhay ng taong pinatay niya, kailangan pa rin niyang pagbayaran ang krimen na ginawa niya. May kuwenta pa rin ang buhay ng taong iyon sa mata ng batas.

 

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with