_pang-masa
^

Punto Mo

‘Putak nang putak, ayaw namang tumuka’

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NAALALA ko ang laging sinasabi ng aking lolo kapag may taong salita lang nang salita, pero hindi naman talaga handang lumaban, “para kang manok na putak lang nang putak, pero ayaw namang tumuka.”

Ganito ang nangyayari sa kumpruntasyon natin sa China dahil sa patuloy na pananakop nito sa ating mga teritoryo sa West Philippine Sea. Ang pinakahuli ay ang pagpasok at pa-nanatili ng mahigit sa 200 Chinese militia ships sa Julian Felipe (Whitsun) Reef na sakop ng 200-mile exclusive economic zone ng Pilipinas.

Araw-araw ang pagpoprotesta ng Department of Foreign Affairs laban sa China, pero balewala naman sa China. At sa hindi pagpansin ng China, wala naman tayong magawa kundi magpuputak. Hindi tayo makatuka. Si Presidente Duterte mismo bilang commander-in-chief ng Armed Forces of the Philippines ang nagsabi na wala tayong laban sa China, na siya’y “inutil” sa harap ng isyung ito.

Nagpapakatotoo lang siguro ang Presidente, dahil talaga namang hindi natin kayang makipaggiyera sa China. Pero hindi kaya ito’y kaso ng pagsuko hindi pa man lumalaban? Talaga bang kapag tinutulan ang panghihimasok ng China ay giyera na ang kasunod?

Ang tunay na katapangan ay ‘yung alam mo na napakalakas ng iyong kalaban pero hindi ka umurong at lumaban ka pa rin. Ang tapang ay ang pagkontrol sa takot. Ito ang tapang na ipinakita ni David nang labanan niya ang higanteng si Goliath. Ito ang tapang na hinahanap ko ngayon sa ating Presidente kung paanong hindi siya natakot banggain ang US, ang mga ahensiya ng United Nations, at ang European Union.

Lumaki ako sa Tondo. Noon, kapag may nakaaway kang mas malaki sa iyo, ganito ang ipapanakot mo, “Malaki ka lang, eh. Hamon kita sa Kuya ko.”  Siyempre, sasabihin mo ito kung sigurado ka na ipaglalaban ka ng patayan ng Kuya mo at sa tantiya mo’y kayang-kaya niya ang nakaaway mo. Ang US ay ating Kuya dahil sa Mutual Defense Treaty na nilagdaan noong 1951, kung saan  nagkasundo ang dalawang bansa na ipagtatanggol ang isa’t isa sa panahon ng giyera. Talaga bang nakahandang makipaggiyera ang US sa China alang-alang sa Pilipinas? Maraming eksperto ang nagdududa. Ako rin ay nagdududa. Siyempre, ang pangunahing interest na pangangalagaan ng US ay ang kanyang sariling interest at hindi ang interest ng Pilipinas.

Sa panahon ng kagipitan, wala tayong ibang maaasahan kundi ang ating sarili. Bawat bansa ay uunahin muna ang kapakanan ng kanyang mamamayan. Pinatunayan sa atin ng COVID-19 pandemic na sa panahon ng kagipitan, ang mga bansa’y magkakanya-kanya muna bago pa isipin ang pagtutulungan. Bakit kaytagal makarating ng mga bakuna sa mahihirap na bansa? Kasi, siniguro muna ng mayayamang bansa na mayroon silang supply na higit pa kaysa kanilang pangangailangan.

Dalawang bagay ang nakita nating napakahalaga para sa ating national survival: Una ay ang pagsasaayos ng ating health care system, sapagkat hindi kayang pangalagaan ng gobyerno ang kanyang mamamayan sa panahon ng matinding krisis pangkalusugan. Ikalawa ay ang pagpapatatag ng ating depensa, sapagkat hindi kayang ipagtanggol ng gobyerno ang teritoryo ng Pilipinas laban sa pananakop ng ibang bansa.

Ang hindi natin pagkilos ngayon ay nangangahulugan ng pagsusuko natin ng ating kinabukasan.  Hindi sapat ang pamumutak, kailangan na tayong matutong tumuka!

CHINA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with