^
EDITORYAL - Araw-arawin ang protesta

EDITORYAL - Araw-arawin ang protesta

(Pang-masa) - April 10, 2021 - 12:00am

HANGGANG ngayon, hindi pa umaalis sa Julian Felipe Reef ang mga barko ng China sa kabila na naghain na ng protesta ang Department of Foreign Affairs (DFA) noong nakaraang buwan. Noong Marso 7 pa namataan ang mahigit 200 barko ng China sa Julian Felipe Reef. At sa kabila nagsalita na rin si Defense Sec. Delfin Lorenzana na dapat umalis na ang mga barko ng China, tila wala namang narinig ang mga ito. Sabi ni Lorenzana, hindi siya naniniwala na sumisilong lamang ang mga barko sa reef dahil masama ang panahon. Hindi raw siya gago para paniwalaan ang sinabi ng ambassador ng China sa Pilipinas na dati nang sumisilong roon ang mga barkong pangisda.

Nagbanta naman si DFA Sec. Teodoro Locsin na aaraw-arawin nila ang paghahain ng diplomatic protest hangga’t hindi umaalis sa Julian Felipe Reef ang mga barko ng China. Hindi raw nila tatantanan ang China.

Sabi naman ng Senado, na isusulong nila ang diplomatic initiatives sa mga bansang kasapi ng ASEAN kaugnay sa presensiya ng China sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Nagkakaroon na ng mga pagbabago. Kung dati ay nananahimik lamang ang mga kinuukulan ngayon ay nagpapakita na sila ng “ngipin” sa umaabusong China sa hindi naman nila teritoryo. Kamakalawa, hinabol ng China Coast Guard ang isang bangka na sinasakyan ng mga mangingisda at journalist malapit sa Palawan. Patuloy silang nambu-bully sa lugar na hindi naman kanila. Nararapat lang umalma.

Kaya tama ang hakbang ng DFA na paghahain ng protesta para umalis ang mga barko sa Julian Felipe Reef at sa iba pang sakop na teritoryo sa WPS. Ito ang tamang paraan. Daanin sa diplomas­ya. Baka sakaling sa walang patlang na protesta ay matauhan ang China at bigla silang lumayas sa teritoryong sakop ng Pilipinas. Hindi dapat pasindak sa mga naghahari-harian sa WPS. Ngayon na ang tamang paghahain ng protesta para hindi na sila makaporma.

 

CHINA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with