^

Babangon din tayo sa ating libingan

USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - April 10, 2021 - 12:00am

KARANIWANG tinatawag na kalbaryo ang isang matinding pagtitiis. Kamakailan lamang ay ginunita natin ang Biyernes Santo, ang kamatayan ni Hesus sa ibabaw ng krus sa bundok ng Kalbaryo upang iligtas ang sangkatauhan. Doon sa kalbaryo, binigkas ni Hesus ang Pitong Huling Wika. 

Bilang isang bansa, tayo rin ay nahaharap sa pitong kalbaryo na lahat ay nagsisimula sa letrang K: karamdaman, kahirapan, katiwalian, kawalang-kakayahan ng mga pinuno, kawalang-katarungan, kriminalidad, at kalamidad. Sa ngayon, palubha pa nang palubha ang karamdamang dulot ng COVID-19.Tayo na ang pinakaapektado nito sa buong Asya. Nakakabangon na ang marami, pero tayo’y parang nagpapasimula pa lamang.

Dumarami ang nawawalan na ng pag-asa. Patuloy na tumataas ang bilang ng mga nasisiraan ng bait at nagpapakamatay, sapagkat wala nang tinatanaw na magandang bukas. May pag-asa pa ba tayong makabangon sa ating mga kalbaryo bilang isang bansa?

Pagkatapos ng Biyernes Santo ay ang Linggo ng Pagkabuhay, kung saan pinagtagumpayan ni Hesus ang Kanyang kalbaryo, bumangon sa libingan at nilupig ang kamatayan. Nakasalalay sa Kristong bumangon sa libingan ang kapangyarihan at katuturan ng pananampalatayang Kristiano.  Wika nga ni Apostol Pablo, walang kabuluhan ang ating pananampalataya kung hindi muling nabuhay si Hesus.

Mataas ang aking paniniwala na bilang isang bansang Kristiyano ay mapagtatagumpayan din natin ang ating mga kalbaryo, babangon din tayo mula sa ating libingan. Sapat ang ating mga katangian bilang isang bansa at lahi upang mangyari ito.  Maaaring hindi mabilisan.  Maaaring dahan-dahan, ngunit tiyak.

Kung tayo’y nahaharap sa pitong kalbaryo, mayroon naman tayong pitong katangian na magbabangon sa atin mula sa ating kinalibingan. Ang mga ito’y ang mga sumusunod na nagsisimula naman sa letrang P: pananampalataya, pagdadamayan, pagkamasayahin, pagiging-matatag, pamilya, pakikipagkaibigan, at pagkamatiisin. Pag-usapan nating isa-isa:

Pananampalataya: Kapag may pinagdaraanang mabigat na problema ang isang Pinoy, ang karaniwan niyang sinasabi ay, “May awa ang Diyos!” Dahil dito, hindi tayo madaling sumuko,  madali tayong nakakabangon.

Pagdadamayan: Malakas ang ating “support system” dahil sa diwa ng pagdadamayan o bayanihan.  Malasakit sa kapwa, ‘yan ang nagtutulak sa atin upang tumulong sa iba.

Pagkamasayahin: Sa gitna ng matinding krisis, natural sa isang Pinoy ang tumawa at magpatawa.  Kaya naman kung kailan may malaking krisis, doon kumakalat ang mga birong Pilipino.

Pagiging-matatag: Ang tawag dito’y resiliency, para tayong kawayan na umaayon sa lakas ng hangin, sa halip na sumalungat, kung kaya’t hindi nababali.

Pamilya: Sentro ng buhay natin ang pamilya na saklay natin sa panahon ng panghihina at kalungkutan.

Pakikipagkaibigan: Itinuturing natin ang kaibigan na isang malaking kayamanan.  Sa panahon ng kagipitan, salbabida ang tunay na kaibigan. 

Pagkamatiisin: Isa ito sa maganda nating katangian kapag ginamit nang tama. Mahaba ang ating pasensya, natatanggap natin nang maluwag sa loob ang mga sakripisyo kapag alam nating may kahihinatnan ito.

Huwag matakot, huwag mawalan ng pag-asa. Babangon din tayo sa ating libingan! Ang kabiguan ay hindi panghabang panahon, ang tagumpay ay hindi natatapos. Sama-sama, maaari nating maangkin ang pangako ng Diyos sa Jeremias 29:11, “Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikasasama kundi para sa inyong ikabubuti.  Ito’y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punumpuno ng pag-asa.”

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with