_pang-masa
^

Punto Mo

COVID-19 at Halalan 22

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MAY sumasabay sa lumalalang kaso ng COVID-19 dito sa atin—ang umiinit na paghahanda ng mga aspirante sa Halalan-22. Malapit na kasi ang Mayo 9, ang araw ng pambansa at panglokal na halalan. At ang paghahain ng kandidatura ay sa October 1-8 na, kalahating taon na lamang mula ngayon. Kaya sa kabila ng tayo’y nasa pandemya, hindi mapigilan ng iba ang magparinig o magparamdam. ‘Yung iba nga, hindi lang basta nagpaparinig, nagpapakita pa ng mga tarpulina.

Siyempre, iba’t iba ang mga akusasyon ng iba’t ibang panig. Isang personalidad ang nanawagan na kalimutan na muna ang pulitika sa gitna ng pandemya. Pero mabilis ang tugon ng kanyang pinatatamaan sa pagsasabing ito mismo ang namumulitika. Kapag ang isang tao’y nag-aakusa sa iba ng isang bagay na ginagawa niya mismo, ang tawag dito sa English idiom ay, “a case of the pot calling the kettle black,” ang palayok na tumutukso sa takure na maitim.

Siguradong iba’t ibang mga alyansa ang bubuuin. Siguradong magkakalipatan ng mga partido. Siguradong tataas ang kaso ng katiwalian upang makapag-ipon ng pondo para sa kampanya. Siguradong makakarinig tayo ng mga pangako na ang maaari lamang makagawa ay si Superman o si Wonder Woman.

Umiinit na ang paghahanda ng mga aspirante. Ngunit ang higit na dapat maghanda ay tayong mga botante. Dapat nga ay nauuna tayong maghanda dahil sa ating mga kamay nakasalalay ang pag-upo nila sa kapangyarihan. Hindi natin mapipigilan ang pagtakbo ng mga kandidatong hindi naman kuwalipikado, pero nasa atin ang pagpapasya.

Bawat halalan ay kritikal, ngunit para sa akin ang Halalan-22 ang pinakakritikal sa lahat dahil sa karanasan natin sa COVID-19 pandemic. Nakasalalay ang ating kaligtasan bilang isang bansa sa mga lider na iluluklok natin sa kapangyarihan, lalo na ang iboboto nating presidente. Batay sa ating karanasan, ang kailangan nating presidente ay isang tao, babae man o lalaki, na may malawak na kaalaman sa pamamahala: malalim kung mag-isip, mabilis kung magpasya; may mataas na paggalang at pagpapahalaga sa batas ng tao at ng Diyos.

Dahil din sa patuloy na pananakop ng China sa mga teritoryong sakop ng Pilipinas sa West Philippine Sea, kailangan natin ang isang presidenteng matapang na maninindigan para sa ating soberenya bilang isang malayang bansa at magtatanggol sa kahit isang pulgadang teritoryo ng Pilipinas. Ang dapat na sundan niya’y ang halimbawa ng Vietnam, isang bansang duwende na hindi natakot humarap sa higanteng China.  Ang iuupo nating presidente ay dapat nagtataglay ng puso ni David na hindi natakot lumaban sa higanteng si Goliath.

Marami pa tayong haharaping mga higanteng problema na palaki nang palaki, tulad ng kahirapan, katiwalian, kriminalidad, at kalamidad. Pero may dalawang pinakamatindi—ang higanteng COVID-19 at ang higanteng China. Simulan mo nang magsaliksik at mag-isip kung sino sa mga lumulutang na pangalan sa pagkapresidente ang nagtataglay ng mga katangiang sasagupa at magtatagumpay laban sa mga higanteng ito.

Sinabi ni Hesus, “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Tanging ang katotohanan ang makapagpapalaya sa atin sa aba nating kalagayan sa ngayon. Magbasa. Mag-isip. Magtanong. Magsaliksik. Humingi ng gabay sa mga ekspertong hindi pulitiko. Higit sa lahat, manalangin sa Diyos na ituro sa atin kung sino ang mga karapat-dapat.

 

 

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with