Kakaibang Eba (7)
KINABUKASAN, hindi dinala ni Piolo ang kanyang sasakyan nang pumasok sa opisina. Magiging sagabal sa kanya ang sasakyan sapagkat plano niyang abangan muli ang babaing nasalubong kahapon. Nagtaka ang isang kasamahan niyang lalaki nang magkasabay sila pagpasok sa gate ng kanilang kompanya.
“Wala kang dalang sasakyan, Piolo?’’
“Wala Bro.’’
“Bakit?’’
Mabilis siyang nakaisip ng alibi.
“Nasa shop. Pinahilamusan ko ang gasgas.’’
“Mabuti hindi ka nahirapang mag-commute?’’
“Okey lang, Bro. Masarap palang mag-commute.’’
Ayaw ni Piolo na malaman ng iba na kaya hindi siya nagdala ng sasakyan ay dahil meron siyang aabangang babae sa Ayala Avenue mamayang alas singko. Baka pagtawanan siya kapag nalaman. Marami na rin sa mga kaopisina niya ang nakaaalam nang tungkol sa pagiging “palabiro” niya sa mga babae.
Nang sumapit ang alas singko ng hapon, mabilis na nag-time out si Piolo at tinungo ang lugar na kinakitaan niya sa babae kahapon.
Sa mismong spot kung saan niya nakita ang babae siya tumayo. Tiyak na sa paligid-ligid lang nagtatrabaho ang babae na ang suot na uniporme ay pangbanko o insurance.
Bawat dumaang babae ay tinitingnan ni Piolo. Baka makalampas ay masayang ang oras niya.
Pero hindi niya ito makita sa karamihan ng babaing naglalakad at dumaan sa harapan niya. Baka nakalampas na?
Tiningnan niya ang relos: 5:05 na. Kahapon ay ganito ring oras niya nakita ang babae.
Naghintay pa siya. Baka naman naatrasado ng paglabas sa opisina. Hindi niya malilimutan ang uniporme ng babae.
Sumapit ang 5:10. Wala pa rin. Lalong dumami ang naglalakad. Nag-uunahan para makasakay pauwi.
Hindi pa rin sumusuko si Piolo. Baka naatrasado lang nang pag-alis.
Hanggang sa mag-5:20. Wala.
Nagbakasakali pa si Piolo. Hintay-hintay pa.
Hanggang sa mag-5:30. Wala.
Dumidilim na. Lubog na ang araw.
Nang mag-5:35 ay ipinasya ni Piolo na umalis.
Nang bigla ay may nakita siyang naglalakad na babae.
(Itutuloy)
- Latest